Monday, January 16, 2012

A Knight's Tale




Ang Sabi ni Juan:
A Knight’s Tale

Ang sabi ni Juan kanya raw naalala
Ang knight na si Lancelot ng “bilog na mesa”
Sa katapangan at husay, siya ang nangunguna
Kumpara sa kabalyerong nakalaban na niya

Ngunit nang maging misyon ng mga kabalyero
Banal na Kalis” ay hanapin sa malayong dako
Ang magiting na kabalyero umuwing isang bigo
Dahil hindi po dalisay pagkatao niya’t puso

Lihim siyang umibig sa magandang reyna
Na kinaulayaw niya sa “bawal na pagsinta”
Ang naging bunga nito, paglalaban at trahedya
Na nagwasak at humati sa bilog na mesa

Ang “knight’s tale”, na ito, kay Mandy na komento
Isa lamang kathang isip, pero magandang kuwento
Sa sangkap na “moral lesson” atin daw pong matatanto
Na sa “kalinisan ng kanyang puso” sinusukat ang tao

Sa bansang Pilipinas, meron ngayong kabalyero
Sir Corona ang pangalan at Supreme Court ang kastilyo
Siya ay mandirigma ring sa “batas” ay eksperto
At nakikipag-hamok ngayon sa arena ng Senado

Siya ay nililitis nang dahil sa isang reyna
Ang bintang ay “protector” ng queen pong nagkasala
Sa labing-siyam n’yang desisyon, consistent daw na nakikita
Na “bias” s’ya at pumabor sa reyna pong nakulong na

Nakasalang din s’ya ngayon sa matinding pagsubok
Knight solon na kalaban, armado ng mga “bulok”
Ito ay hinalukay pa sa basurang umuusok
Na dati po’y nakatago pero ngayon ay sinalok

Sa pag-salag ni Corona, dito natin maaarok
Kung sa “golden chair” niya dapat nga siyang nakaluklok
Kapag siya ay napaso sa lance nilang itutumbok
Siya ay matutulad sa kabalyerong si Lancelot

Ang sabi ni Juan na sa impeachment ay miron
Ang upuan sa Supreme Court hindi dapat “nabababoy”
Ang payo niya sa Senators na dito ay maghahatol
Kabalyerong si “Galahad” ang gawin n’yong base’t sampol

Malayang Isip
 Bulacan
Jan 16, 2011

No comments:

Post a Comment