Thursday, January 26, 2012

Impeachment Effect




Ang Sabi ni Juan:
Impeachment Effect

Ang sabi ni Juan, si Mandy ay nagkuwento
Habang ito raw po, nasa lugar ng trabaho
Sa kanilang lunch break, may dalawang empleado
Ang muntik nang magsapakan habang sila'y nagtatalo

Ang kanilang isyu't, dahilan ng argumento
Pag-“inhibit” ni Drilon bilang judge sa senado
Sa bintang na kampi ito sa prosecutor na kabalyero
Kaya bilang hukom, disqualified daw po ito

Ito ay kinontra ng co-employee na kausap
At sinabing ang depensa'y, naghahanap lang ng butas
Karapatan daw ni Drilon ang magtanong at mangusap
Bilang “clarification” sa katotohanang hinahanap

Kung ang clerk of court ay "pumiyok" 'di raw nito kasalanan
At amining itong SALN, nasa kanyang mga kamay
Ito raw po'y isang “karma”, kay Coronang kamalasan
Na mabisto't, mailantad, nakatagong kayamanan

Habang tumatagal raw ang kanilang sagutan
Ang volume ng mga boses, parang radyo sa pihitan
Kumakain sa kantina't empleado'y naglingunan
Nang ang dalawa’y pumorma na’t humanda sa suntukan

Maiinit nilang ulo, agad namang pinayapa
Nang naroroong co-employees na sa kanila'y pumagitna
Ang dalawang nagtatalo, tila naman napahiya
Tinapos ang tanghaliang, walang imik ni bahagya

Si Mandy na kumakain, at nasa isang sulok
Pangyayari'y itinala sa dala niyang note-book
Ito raw ay isang "effect" ng impeachment na umuusok
Na ngayon ay nagaganap sa senado nating bundok

Ito rin po ay patunay na sa ating kababayan
Marami pang mga taong sa "isyu" ay merong alam
Nangyayaring impeachment daw hindi man "lamang tiyan"
"Lamang ulo" raw po ito't pampalawak ng isipan

Ang sabi ni Juan sa kabila raw ng teknolohiya’t
impormasyong sa electronics atin ngayong makukuha
Meron pa ring ilang taong sa isyu ay "nakanganga"
Kaya kapag na-interview walang sagot na mapiga

Maging attentive raw tayo, si Juan ay nagpapayo
Kahit abala sa gawain at kanya-kanyang trabaho
Sa cellphone po na may TV, at earphone nitong radyo
Nangyayari sa impeachment maa-update pa rin tayo

Ito rin daw ay bahagi ng ating kasaysayan
Na sa henerasyong ito, saksi tayong mamamayan
Kapag daw po ating apo, nagtanong sa kaganapan
Tayo raw na matatanda, isasagot ay malinaw

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
January 24,2012

No comments:

Post a Comment