Wednesday, September 13, 2017

Asal Aso sa Senado?


 Asal Aso sa Senado?


Ang sabi ni Juan, s’ya raw po’y nagbabalik
After 3 years of “hiatus” sa patula n’yang panitik
Sa dami ng isyung, laganap daw sa paligid
Latigong mga letra ang ipangha-hagupit

Una n’yang hahatawin, ang senador na palalo
Na sa pambu-bully daw, nangunguna sa numero,
Akala n’ya’y yakang-yaka, senador n’yang katoto
At madadaan lang sa pormang mala-macho

Dahil “attack dog” s’ya ng among dilawan
Kagat dito, kagat doon, kahit sino’y babalingan
Kahit ‘di maka-Digong kanya ring kakahulan,
Sa pag-aakalang si Duterte ang kinakampihan

Ngayong nasa Ethics Committee, kanyang kaso
Dahil sa kagaspangan at etikang “asal aso”
Ang kanyang kapalaran ‘di natin mapipiho
Kung kapwa senador n’ya, puputulan s’ya ng ulo

Sa opinion nitong si Juan, dapat  na ma-expell
Senador na sa tingin n’ya’y, basang-basa na ang papel
Ang senado’y institution na kailangan daw sagipin
At member na “barumbado”, sa plenaryo ay mag-farewell

Ang usapin daw po dito hindi lamang “anti” o “pro”
Kundi ang etikang ina-adopt nilang miyembro
Kung senador daw ay “bully” at ugali’y parang aso
Sa city found ito dalhin, para turuang rumespeto

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines

Sept. 12, 2017

Saturday, August 17, 2013

Pork Barrel Scam



Ang Sabi ni Juan:
Pork Barrel Scam (2013)


Ang sabi ni Juan, na sandaling nanahimik

Sa nagdaang mga isyu na sumasagitsit

Sa diyaryo, sa TV at radyo’y maririnig

Pangalang “Napoles”  sa Facebook  ri’y nababanggit



May “scam”  daw po kasi na umalingasaw

Sa panahong si P-Noy po, sa kariton n’ya nakasakay

Ang tuwid na daan pong  kanyang tinatanaw,

Tila nalambungan, ng kuwentong masangsang



May katuwirang maiyak ang pari’t mga madre

Sa ganitong kuwentong, involved po’y mga “sakre”

Sa gitna ng paghihirap, kagutumang nangyayari

Iilang tao lamang daw po,  nahihiga sa salapi



Salaping hinihigan, dugo’t pawis ang puhunan

Nating manggagawang, gatasan ng pamahalaan

Senador po’t  kongresista  na ating  inihalal

Ang siyang “kapural” po ng “mamemekeng kawatan”



“Pork barrel” ng Senadores at atin pong kongresista

Ang dito ay nagagamit, nadadambong ng walanghiya

Mga “bogus”  na Foundation, milyon-milyo’y nakukuha

At ito ngang si Napoles raw, di-umanong nagbubulsa



Naglabasang “whistle blowers” ay tauhan ni  Napoles

At siyang nagsasaysay sa ginawang pangra-raket

Ang pera pong nasa kaban, at galing sa ating buwis

Sa “bath tub” po ni Janet Lim pinagkasya’t isiniksik



Ang hirit ni Mandy, madaling  magtanga-tangahan

Sangkot na Senadores at Kongresistang  makakapal

Gigisahin  lang daw dito’t sa kawali’y isasalang

Si Napoles na “coal magnate” ang  “sacrificial lamb”



Ang  sabi ni Juan, kung wala raw kunsensiya

Mambabatas na “dishonorable”  at “kapal muks” na talaga

Hintayin na lang nating, tabunan daw po ng lupa’t

kaluluwa nila’y mahatulan, si “Taning”  na ang bahala
.


Malayang Isip

Dimasalang, Philippines

Agosto 16, 2013

Sunday, March 10, 2013

Sabah Crisis








Ang Sabi ni Juan:

SABAH CRISIS

Ang sabi ni Juan, sa gobyerno ni P-noy
At sa adviser n’yang, mahihiya itong bopol
May bagay po silang, ino-ogoy-ogoy
Na akala’y bale-wala’t, hindi mag-aapoy

Trahedya sa Lunetang, ang hostage ay  tourist
Napatay sa pag-rescue, dayuhang mga intsik
Ito’y ‘di sineryoso ni  P-noy na bagong panhik
Na sa termino n’ya, nagdulot ng unang batik

Ngayon nama’y “Kiram letter” ang siyang dinedma
Na kung pinansin  sana, walang “stand off” sa Sabah
Dahil nga po nainip na, Sultanate na tagapagmana
Nag-alburoto’t ang naisip, gumamit na  ng sandata

Ngayong ito’y umapoy na’t, tila ‘di na maaawat
Gasolinang “pananakot” si Noynoy ang nagpatak
Sa halip na maapula, lalo nitong pinalawak
Nag-resulta ng kamatayan, dugo na ang nagsi-tagas.

Ang sabi ni Malaya, ang isyu ng  “Sabah claim”
Ay usaping ‘di madali, kung atin pong lilimiin
Ito ay kasaysayang, matagal na ring inilibing
Na ngayon ay ibinangon, sa taong Twenty Thirteen

‘Di po natin inaalis, lider natin ay mag-ingat
Lalo’t itong conflict ay usapin pong pang-labas
Si Kiko ay umaasang lider natin ay titindig
Sa pakikipag-usap sana, may “balls” sila’t tipong “astig”

Pilipino ang pinapatay, nililipol po sa Sabah
Na ang tanging inaasam, lupaing minana pa
Hangad din po nitong si Juan, mundo sanang nakakita
Kondenahin ang Malaysia, sa mali nitong ginagawa

Di nga po ba’t itong UN, nagtayo ng arena
At ganitong mga isyu, doon dapat maresolba
Ang Sultanate at Malaysia,  maglahad ng ebidesiya
Sa kung sino ang may-ari, alas nila’y ipakita

Si Juan, Kiko at Malaya, ang pahatid ay simpatiya
Sa kapatid nating Muslim na pinapatay po sa Sabah
Kung may “ AVENGERS”  sana silang makukuha
Agad-agad isasabak, Malaysian forces ay humanda

Si “VERGIL” po’y available, ang sabi ni Mandy
Si “KALASAG” ewan daw n’ya kung papayag si Jeffrey
Ang “ANIMEN” nitong si Ron ‘di rin alam kung sasali
Kasama ang “REAPER” ni Nald, kung ito rin ay o-okey.


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
March 10, 2013

Monday, October 15, 2012

Bangsamoro Framework Agreement




Ang Sabi ni Juan:
Bangsamoro Framework Agreement


Ang sabi ni Juan siya raw po ay umaasa
Kapayapaan sa Mindanao, atin nga pong makita na
Sa agreement na nilagdaan, ito sana ay magbunga
Umani ng kaunlaran, matigil na itong giyera

Ngunit ‘di po nararapat na tayo ay makalingat
Sa agreement ay tumutok, “himayin ang nakasulat”
Baka raw po meron ditong, konting “lason” na lumigwak
Na kapagka natukasan, nagnanaknak na ang sugat

Ang ka-deal daw po natin, ang nais ay magsarili
Mindanao ay pirasuhin sa gustong sukat at laki
Magtayo po ng gobyerno at sarili nilang army
Na ‘di saklaw ng Pilipinas, wala na po tayong paki

Ngunit ngayon pa lamang,  meron na pong sumasawsaw
Si Misuari na dati po’y kasama sa kasunduan
Ito po ay nagsasabing, sisiklab daw ang digmaan
Dahil ‘di raw sila pabor sa agreement na pinalutang

Bukod dito’y meron pa pong sa MILF, humiwalay
Si Umbra Kato na kumander, at palaging pumapatay
Ito po ang mga bantang, kay Juan po ay natatanaw
Problema na possible pong,  sa “future”  ay magsilitaw

Ganoon pa ma’y,  nararapat na tayo ay "positibo"
Na sana nga sa agreement, itong giyera ay mahinto
Di rin dapat mapiraso, itong ating teritoryo
At saklaw pa ng Pilipinas, ang kanilang “Bangsamoro”


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
October 15, 2012



Wednesday, October 3, 2012

Cyber Crime Law



 Ang Sabi ni Juan:
Cyber Prevention Act


Ang sabi ni Juan, totoo raw pong may hangganan
Kalayaang mamahayag nating mga individual
Kung ito’y gagamiting “walang basis”  at  pawang foul”
Hataw doon hataw dito, tamaan na ang tamaan


Ngunit kung ang pagsikil,  at  layunin po nito
Musikang ikukumpas, gusto lang nitong maestro
Ito ang hindi dapat, payagan ng mga tao
Agad-agad na tutulan, kondenahin si  “Pilato”


Pero itong si Juan, hindi raw po natatakot
Sa Cyber Prevention Act na sa kongreso’y pinalusot
Sa  pilantik ng panitik niya’y  hindi raw po malilimot
Punahin ang mga taong sa ‘ting bayan ay balakyot


Hindi rin daw sapat  itong, paurungin ang kanyang dila
Mga mata’y ‘di rin pipikit sa  indak ng mga  “linta”
‘Di rin daw n’ya gagapusin, ang kamay n’ya na may pluma
At daliring sa keyboard ay palagi pong tumitipa


Sakali pong merong “ungas” na sa kanya ay sisita
At demandang libelo po, sa lingkod n’yo’y itutudla
Siya raw po ay  nakahandang,  harapin ang sistema’t
Ipaglaban ang katwiran  sa baluktot na paniwala


Ang freedom of speech sa saligan nating batas
Ang dapat na mangibabaw sa batas na sumasapaw
Mga “bugok” at “gago” lang ang dito ay pumapatay
Na dapat po ay ibitin, ipakagat po sa langgam


Ang payo ni Juan,  lahat  tayo ay tumutok
Sa batas na ninanais, na sa tao ay ipalunok
Kung meron pong isiningit at dito ay isinahog
Gumawa sana nito, tamaan ng pitong kulog


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
October 2, 2012