Saturday, April 21, 2012

Alamat ng Bunging Langgam



Ang Sabi ni Juan:
Alamat ng Bunging Langgam

Ang sabi ni Juan, na matagal nagpahinga
Sa pagsulat ng tulang may pilantik at patama
Ang kanyang topic ngayon pambu-bully ng China
Sa bansang ga-langgam lang kumpara sa kanya

Sa ating world history, ‘di na raw ito bago
Na may mga bansang mayayabang at palalo
Lalo’t leader nila, may basbas ang panduduro
Sa nasyong maliliit na tingin nila’y luno

Ito’y walang pinag-iba sa halimbawa ni Mandy
Na noong bata siya’y batuk-batukan palagi
Alagang buskahin ng batang malalaki
Kaya kapag siya’y na-bully, sa sulok lang humihikbi

Dito niya naisip na katawa’y palakasin
At ang kanyang skill, dagdagan at paunlarin
Gusto niyang makatiyak na kapag s’ya’y sinaling
Nang-aaaping malalaki, kanya ring “mapupuwing”

Wala s’yang layunin na makipag-basagulo
O kaya’y maghiganti, o mang –bully ng tao
Ito ay pang-sarili n’ya’t kanya lang paniguro
Na kung siya’y manganganib, ‘di naman siya dehado

Ang epekto raw nito kay Mandy ay nakabuti
Dahil tikwas na timbangan, medyo raw po nabalanse
Mga taong dati-rati’y sa kanya ay nangbu-bully
Bigla raw pong nanahimik, maingat na’t nagsusuri

Ito po ang sa ngayo’y sa Pilipinas na katayuan
Sa pambu-bully ng China, alam nilang sila’y lamang
Iniisip na po nilang, puwede tayong tapakan
Na hindi manganganib dahil “bungi” tayong langgam

Ngunit kung noon pang si “Uncle Sam” ay umalis
At namuno sa ati’y mataman po na nag-isip
“Modernization” ng AFP, agad-agad pinasirit
Siguro po’y walang bully na sa atin ay lalapit

Ngunit dahil sa alam pong tayo’y walang kakayahan
At ang ating mga barko, iilan lang at “second hand”
“Tirador” po kontra “missile” na palama’y bombang nuclear
Ang atin bang itatapat, sa pakikipaglaban?

Sa kasaysayan ng mundo, dapat tayo ay natuto
Na ang “mahihina” ang target ng mga pag-abuso
Kapag higante’y pinag-bigyan sa bakura’y yumapak po
Tiyak na ring isusunod, bahay na pong isusubo

Kung aasa po tayo sa kaibiga’t kapitbahay
Na tutulong kapag tayo’y pinasok na’t pinapatay
Paano na kung sila raw, maghalukipkip lang ng kamay
At pangako sa tratado, binale-wala na po lamang?

Magpalakas at mag-armas, ‘di dapat na isa-isan' tabi
Ang sabi ni Juan sa sector na mapag-suri
Ito’y isa sa tungkulin ng bansang “merong puri”
Upang sa gitna ng panganib, maidepensa ang sarili.

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
April 20, 2012

No comments:

Post a Comment