Tuesday, December 13, 2011

The Truth


Ang Sabi ni Juan:
The Truth

Ang sabi ni Juan, kanya ngayong tinitimbang
Ang palasyo at Supreme Court na naggigirian
Sa kanilang iginagawi nitong nakaraan
Tila raw po lumulubha sa kasalukuyan

Ang kanilang banggaan po’y may pinag-ugatan
Nang ang dating pangulo, si Renato’y koronahan
“Midnight appointment” daw, ito’t ipinagbabawal
Sa opinyon ni PNoy hindi daw po ito legal

Alam naman ni GMA na sa kanyang pagbaba
Bilang “unpopular president” tagilid ang kanyang bangka
Ang iniwan niyang “multo” posible pong makawala
At malantad ang kalansay na itinanikala

Ngunit “binutata” truth commission ni PNoy
Ng mga mahistradong, dito ay nagdesisyon
Ito raw po’y senyales na dating reyna’y merong “kampon”
Na ang “TRUTH” po ay ilibing, mapigil po ang pagsibol

Ngunit hindi sapat ginawang panghaharang
Kalansay pong ibinaon, nagtayua’t, naglabasan
Mamamayang nagmamasid, namangha po’t nagulantang
Sa dami ng anomalya, hingi nila’y katarungan

Corruption” at “election fraud” na noo’y pinagtakpan
Hinawi po ng testigong isa-isang naglantaran
Si GMA ang promoter, sa kanilang pagsasaysay
Kaya kasong sapin-sapin, sa kanya po’y ipinataw

Ang kampo ni GMA, nakaamoy ng panganib
Ngunit si De Lima ng DOJ, sa kanila’y nakamasid
WLO ang iniharang, ibinakod sa paligid
At ang pinto’y binantayan upang hindi makapuslit

Ngunit hindi lang po “alas,” si GMA rin ay may “susi”
Na ang nag-iingat, Supreme Court daw niyang “kasi”
Ang TRO’y inilabas, mabilis po at madali
Upang pinto ay mabuksan at ang daan ay mahawi

Pero itong si De Lima, may sarili ring taktika
Kaya nga po inunsiyami ang pag-travel ni Gloria
Ang COMELEC na noon po’y nakamasid, nakamata
Election sabotage naman, sa husgado’y isinampa

Kung ang SC ay matuling, inilabas ang TRO
Ganoon din po itong hukom na nag-utos ng aresto
Kaya ngayon si GMA sa ospital, naka-hoyo
At ang galaw niya’t aksiyon, kontrolado ng husgado

Ang Supreme Court ni Corona at kay PNoy na palasyo
Patuloy po ang iringan, tila bulkang kumukulo
Sa Criminal Justice Summit, presidente’y nagkomento
Na patama sa Chief Justice na si Gloria ang nag-puwesto

Ngunit si PNoy po, pinuna sa naging kuro
Ng ilang legalistic, plastik, mga huwad, ipokrito
Ibig daw po yata nila, busalan na si Aquino’t
Tanggalan ng karapatang, isa-tinig nasa puso

Komento ni Mandy, si PNoy po ang mas lamang
Dahil “tinig” nitong masa, kanya lang pong kinatawan
Si Corona’y nag-iisa’t, justice niya ay iilan
Sila rin po’y nasa limbo’t “tampulan ng alinlangan”

Sa panahon ni GMA marami s’yang itinanim
Inihasik po ay binhing, ang supling ay “sinungaling”
Ito raw po ay nagsanga’t, naglubid po ng buhangin
Pundasyon n’yang pinalawig, nine years itong pina-tining

Ang hiling daw nitong si Juan, malantad po ang totoo
At truth daw ay mapalaya, sa timbangan ng husgado
Ngunit merong mga taong, maiitim yaring buto
Na ang nais ay paslangin, bangkay ng truth ay itago

Kung Supreme Court ang “tools” nila para ito maitago
At ang reynang isinakdal, patakasi’t, mapaglaho
Ang galit ng mga tao, asahan po na kukulo
Ang sisi ay ipupukol sa justice pong nagkanulo

Ang sabi ni Juan, iginuhit na nang tadhana
Nangyayari kay GMA, alam daw po ng LUMIKHA
Dito raw po’y naglalaban, ang “mabuti” at “masama”
Simbolo po ng "TOTOO", at “HUWAD” na pagmumukha


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
December 7, 2011

No comments:

Post a Comment