Wednesday, December 14, 2011

The Queen's "Crown" Tower


Ang Sabi ni Juan:

The Queen’s “Crown” Tower?
(Part 4)


Ang sabi ni Juan, political chess game ay patuloy
Habang reyna’y naka-trap, sa gambit na isinulong
Mga piyesang gumagalaw, may iisang nilalayon
At ito ay makalamang sa advantage na posisyon

Ang Supreme Court ay bumaling sa Hacienda Luisita
At ang kaso ng Cojuangco, ang kanilang inasinta
Si PNoy na ka-angkan po’t, nag-aari rin ng lupa
Ang direktang tinamaan, sa desisyong pinang-giba

Sa kanyang talumpati, sa Criminal Justice Summit
Si PNoy ay halatadong tila sobrang naiinis
Sa kanyang komentaryo, “Crown Tower” ang pinilantik
At nilalaman po ng dibdib, kay Renato’y inihagkis

Ang Crown Tower naman, pangiti-ngiti lamang
At cool na cool lang po habang pakaang-kaang
Ang sabi’y magki-Christmas, kaya ‘di na papatulan
Maanghang na patutsada ni PNoy na kalaban

Ngunit ang Chief Justice na merong korona
Nakaamoy po ng sulong na s’ya ang puntirya
Kaya biglang-bigla na lang ito ay nagsalita
At sinabing lalaban na, sa duwelo po ay kakasa

Wika n’ya sa “alipores” bantayan po itong hanay
Sa nagnanais pong sirain, kataas-taasang hukuman
Ang pananahimik niya, hindi raw po kahinaan
At siya ay nakahanda sa isang bimbangan

Kasunod nga po nito “impeachment case” ang itinudla
One eighty-eight na Congressman, ang dito ay lumagda
Sa blitzkrieg na isinulong, si Corona ang giniba
At ngayo’y umuusok Crown Tower na pinadapa

Komentaryo ni Mandy, si Corona ay ‘di Diyos
At si GMA lamang, noong “midnight” ang nag-appoint
Siya raw po’y ‘di exempted para ating mabatikos
At opinyon po ng tao, may laya rin na matalos

Kung ang Supreme Court ngayon ay nababatikos
Hindi raw po “institution” ang dito ay niyuyugyog
Ang tao pong nakaupo at sa “loob” ay kumikilos
Ang puntirya ng komentaryo at siyang inuulos


Ang puna kay Corona, matagal s’yang naglingkod
Sa isang presidenteng sa kanya rin ay nag-appoint
Nang itong dating “boss” n’ya, sa kaso’y nasasangkot
Dapat bang mag-inhibit, ang chief ng Supreme Court?

Kung may “delikadeza” si Corona, ang wika ni Mandy
At nais n’yang sa paningin, maging kristal o maputi
Mas dapat daw mag-inhibit, upang wala pong masabi
Mamamayang nagmamasid, at galaw n’yang sinusuri

Sa ngayon ay dumarami ang boses na sumisigaw
Na si Corona’y isang “bias” kaya dapat na matanggal
Ang ‘di raw n’ya pag-inhibit, ito raw po ay patunay
Na s’ya nga ay “Queen’s Tower” ng reynang kinasuhan

Sa labanang Palace-SC, si PNoy daw ang mas lamang
Dahil siya’y inihalal, “tinig” ng masa ang katuwang
Si Corona’y appointee lang, justice din n’ya ay iilan
Siya rin po’y nasa limbong may DOUBT o alinlangan

Ngayon ay nakatunghay, ang masa ay nagmamanman
Marami ang nagsasabing, baka raw po ‘di maiwasan
Ang “constitutional crisis” atin daw pong maranasan
At “stalemate” ang maganap, na una sa kasaysayan

Ang payo ni Juan, ang puno pong mahistrado
Na posisyon ay kumikinang at upua’y isang ginto
Dapat daw pong "kilatisin" ang dito ay umuupo
Kung pagkatao niya’y huwad, o balot lang sa tanso

Kung impeachment ay “pagdalisay” sa chief na nakaupo
Hayaan pong ang proseso, huwag sagkaan, ‘wag ihinto
Kapag daw po si Corona, sa paratang naabsuwelto
Ito’y vindication ding tunay nga siyang ginto


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
December 13, 2011


No comments:

Post a Comment