Thursday, December 29, 2011

Pangitain at Dalangin



Ang Sabi ni Juan:

Pangitain at Dalangin

Sa taong twenty-twelve, ang sabi ni Juan
Marami raw “scenario” siyang natatanaw
Ang iba raw dito sigurado nang lulutang

At bubulaga po sa tao, sa Enero pa lamang

Sa ating gobyerno patuloy ang tunggalian
Executive, legislative vs. kataas-taasang hukuman
Si Pnoy at Corona na girian ng girian

Tampok sa “political chess game” na pinaglalabanan

Habang sila’y naghahamok, mga "buwayang negosyante"
Na sa puso’y “kasakiman” lubhang naghahari
Pagtataas po ng presyo na palaging minimithi

Ay malamang na matupad at ito ang mangyari

Opisyales ng gobyernong “in-charge” sa regulation
At ang function at mag-review sa presyo na ipapatong
Asahan ding basbas nila sa “capitalist” po papabor

At hindi sa “consumer” na panay lang ang panaghoy

Tiwali at mga “corrupt” na nasa gobyerno
Na ngayon ay “alipores” ni Haring Aquino
Patuloy na maghahanap ng daang papaliko

Kung saan manunungkit ng milyon-milyong piso

Mga "pulitiko" sa twenty-thirteen na nakatanaw
Sa taong ito tiyak, magsisimula na manliligaw
Mamamaya’y "bobolahin" at magpapa-istaran

Sari-sari ring pakulo ang maaasahan

Sa kabilang dako, "unos" din ay nagbabanta
Na posibleng sa twenty-twelve muling manalanta
Kung ang tao at gobyerno sa pansitan tutunganga

Baka "delubyo" ay maulit kung hindi maghahanda

Ang mga “rapist” naman ng likas nating yaman
Na “taga-kutkot” at “taga-panot” ng ating kabundukan
Operasyon ay tuloy-tuloy sa sandaling malingatan

At naganap na trahedya, kalmado na’t nalimutan

Sa kabila ng “negative” na kanila raw nakikita
Si Mandy at si Juan, patuloy na umaasa
Ang DIYOS na Lumikha, patnubayan daw sana

Ang mga mamamayang may pananampalataya

Nawa’y pagaanin NIYA ang buhay ng tao
Naapi at nagdurusa’y haplusin din itong puso
Ang mga nabuwal na’t labis na nasiphayo

Ibalikwas at itindig, tulungan na makatayo

Naghaharing mga “ganid”, mga taong palalo
Mga mapang-api’t sa aba ay berdugo
Silang mga “taksil” na sa tiwala’y nagkanulo

Hatulan na rin sana, at sa mundo ay maglaho

Dalangin din ni Juan sa DIYOS na Lumikha
Ang taong twenty-twelve raw sana ay maging "mabiyaya"
Maka-iwas sa trahedya at buhay ay lumigaya

Maghari po ang “pag-ibig” at damdami’y pumayapa


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
December 30, 2011

No comments:

Post a Comment