Monday, December 19, 2011

Black Season



Ang Sabi ni Juan:
Black Season

Ang sabi ni Juan sa panahon daw po ngayon
Na ang tao’y abala sa paglilimayon
Materyal na mga bagay ang pinapanginoon
Na dulot ng salaping kanilang ginugugol

Habang umuunlad modernong teknolohiya
Iba’t ibang gadget mabibili’t makukuha
Ngunit merong bagay na nalimutan yata
At ito’y ang mga taong sa kalikasa'y sumisira

Ang pagbabago ng klima sa ating panahon
Ang sanhi ng kalamidad sa iba’t ibang nasyon
Ayon sa nagsusuri, bigyan ito ng atensiyon
Ng gobyerno at ng tao, sama-sama, tulong-tulong

Ngunit kakaunti ang tumugon dito
Nakararaming mamamayan matitigas ang ulo
Maging namumuno’t umuugit sa gobyerno
Ay naging pabaya po’t ‘di ito sineryoso

Nagtatapon ng basura, kung saan sang dako
Sa dagat, sa lawa, sa ilog at estero
Ang mga kagubatan naman target ng kaingero
At mga residenteng, pag-uuling ang negosyo

Ang ating kabundukan patuloy ding pinapanot
Ng mga nagto-troso’t sa kagubatan ay salot
Ganoon din ang nagmiminang, lupa ang kinukutkot
Kaya ‘pag umulan, putik na pong umaagos

Ang “flash flood” sa Cagayan at Iligan City
Ay katulad ng sa Ormoc na naging history
Ang sanhi kung bakit, malaon nang nasuri
Pero hanggang ngayon nauulit pa’t nangyayari

Ito’y dahil sa pinunong sa lalawiga’y sumasakop
At gobyernong nagpabaya’t tungkulin ay nililimot
Sila rin po ang kapural, nagbibigay pahintulot
Na ang yaman nating likas, “gahasain” ng balakyot

Sa ngayon ay nagluluksa marami nating kababayan
Na sinalanta po ni “Sendong” na nagbuhos ng ulan
Sa dami ng nabiktima’t nagbuwis ng buhay
Ito ay bangungot ding mahirap malimutan

Sa halip na magsaya sa season ng kagalakan
Ang tangi pong magagawa ni Malaya at ni Juan
Tumulong sa nabiktima’t panalangin ay i-alay
Sa “black season” na itong si Sendong ang nag-iwan

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
December 19, 2011

No comments:

Post a Comment