Thursday, October 20, 2011

All Out War



Ang Sabi ni Juan:
All Out War

Ang sabi ni Juan siya raw po’y naiiling
Sa MILF peace talks at sa gobyerno natin
Sa mahabang dekada raw, wala namang nararating
Kung hindi kamatayan ng kasundaluhan natin

Labing siyam pong kawal, pinatay sa Basilan
Habang tumutupad lamang sa tungkuling iniatang
Ang mga pumaslang po, MILF rebel na kalaban
Na nagsasabing “teritoryo” daw nila, ang lupang niyapakan

Si Mandy na Pilipino’t sa Pilipinas isinilang
Agad na naghimagsik, ang puso n’ya’t kalooban
Diyata’t sa bansa natin, may lupa nang nahiwalay
At teritoryong inangkin na ng rebeldeng kriminal?

Ang wika ni Mandy, na-missed tuloy n’ya si Erap
Sa pagiging “macho” nito kapag MILF ang kaharap
Ganoon din daw sa prinsipyong kanya noong tinutupad
Na wala raw teritoryong, sa Pilipinas ay mapipilas

Noong si Erap ang Presidente, siya po ay nagdeklara
Nang isang “all out war” at humanda sa giyera
Sa layuning Camp Abu Bakar, na teritoryo daw nila
Mabawi at patunayang ito’y ating makukuha

Mga hambog na MILF, natameme sa pagkabigla
Nagkanya-kanyang tago, sa nilusob nilang lungga
Ngunit sa kasamaang palad nang si Erap ay mawala
Nagbalik ang kayabangan ng MILF sa pag-ngawa

Presidenteng humalili, babae po’t “walang bayag”
Polisiya ni Erap kagyat din pong binaliktad
Sa palalong MILF nakipag-daop po ng palad
At teritoryong inaangkin, may basbas po ng pagpayag

Ito naman ang minana ni Presidente Aquino
Na ang nais ay “honeymoon” sa rebeldeng mapanggulo
Habang sila’y nagtatalik, ang MILF po na tuso
Kung patayin ang sundalo, “pinupugot pa ang ulo”

Kung ang gobyerno natin, sa MILF lang ay “duwag”
At walang kakayahang batas nati’y ipatupad
Sa teritoryong inaangkin, ‘di rin ito pumapalag
Sa “Spratly” pa kayang, higante na ang kaharap?

Ang bayan ay sawa na sa peace talk na walang ending
Dahil ang nais ng MILF, bansa natin ay tapyasin
Kung ganitong “kaulayaw” at inyo po na “kasiping”
Kayo po ba ay payag pang “pabola sa mga taksil?”

Ang payo ni Juan sa gobyernong nakaupo
Political will” ang pairalin sa pakikitungo
Kung kalaban ay “traydor” at sobra sa pagka-tuso
Huwag namang basta na lang ang ulo n’yo’y iyuyuko

Sa naganap na pagpaslang, pagbayarin ang salarin
Sa bisa ng ating batas, silang lahat ay lambatin
Teritoryong inaangkin, puwersahin din na bawiin
Dahil ito’y ‘di po “pases” upang hindi na usigin


@Malayang Isip
Dimasalang, Bulacan
October 19, 2011

No comments:

Post a Comment