Monday, October 24, 2011

All Out Justice?



Ang Sabi ni Juan:
All Out Justice?

Ang sabi ni Juan, kapag pinag-usapan ang giyera
Ito po’y hindi biro kung kalaba’y ibang bansa
Hindi rin daw ito basta, idinedeklara
Dahil apektado po dito, ang atin pong soberenya

Ngunit kung ang kalaban po’y mga “rebeldeng kriminal”
Walang respeto’t, walang batas, sundalo po’y pinapatay
At may bahagi pa sa Mindanao, teritoryong kinakamkam
Ang tugisin daw po sila, “hindi giyerang katawagan”

Ito po ay nasa batas at tungkulin ng gobyerno
Na dapat ay ipatupad, na wala ring sinasanto
Pag-abandona dito ni PNoy, napaka-peligroso
Sa ating kasundaluhan, lilikha ng “disgusto”

Sa ganitong polisiya, simbaha’y huwag ring ihahalo
Hindi dapat tinatanong o kinukunan po ng kuro
Tiyak lang pong isasagot “kapag pinukol daw ng bato,
tinapay po ang ibalik” sa pumatay sa sundalo

Function ito ng gobyerno, na ‘di pinapangyari
Ang presidente po natin, sundalo muna ang sinisi
Sa halip po na ipahabol nang kriminal ay mahuli
"Peace talk" ang bukang-bibig at may “truce” pang sinasabi

Tila ang nais ni PNoy habang nakikipag-chat
Mga kalabang rebelde lang, ang puwede na rumatrat
At ang ating Armed Forces, “kalapati po ang hawak”
Hindi maaaring gumanti, kapag MILF ay nang-upak

Pero sa dami ng batikos na si PNoy ay pinupuna
Ang pangulo po natin, nagsalita na sa media
“All out justice” raw po, ninanais niya
Kaya pagtugis sa kriminal, iniutos na’t ginagawa

Ang Sibugay, Zamboanga, kanila na pong kinakanyon
Pero sa Al Barka, Basilan tila gobyerno’y mahinahon
Ang mga rebelde po na dito ay nagkakanlong
Ang pumatay ng labing-siyam at sundalong nakaburol

Ang sabi ni Juan kapag MILF daw sana ang kaharap
“Position of strength” ang dapat lang na itapat
Obserbasyon ni Juan, rebelde ang mas may “angas”
Kaya kasundaluhan po natin, palagi ng tini-tigbak

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
October 24, 2011

No comments:

Post a Comment