Friday, August 5, 2011

Zubiri's Resignation



Debate ni Kiko at Malaya
Zubiri’s Resignation

Ang sabi ni Juan, muli raw pong papalaot
Si Malaya at Kiko, sa debateng umuusok
Sa isyung “Mig’s resignation” kanilang itatampok
Kung dapat bang papurihan, senador na tumalikod

Ang wika ni Kiko, siya raw ay sumaludo
Sa inasal ni Miguel, na nagbitiw na sa puwesto
Ito raw ay isang pruwebang si Zubiri’y kabalyero
At namumukod tangi sa hanay ng pulitiko

Sa panahon daw po ngayon, totoong bihira na
Ang merong “delikadesa” at manipis, pagmumukha
Kaya raw niya pinupuri, siya raw ay natutuwa
Sa kasaysayan nang Senado’y merong isa na gumawa

Ang sagot ni Malaya, hindi raw siya kumbinsido
Na itong si Miguel, ay tunay na kabalyero
Si Zubiri’y politikong, gumamit lang ng talino
At desisyong pagre-resign, ay teknik ng isang “tuso”

Kung baga sa digmaan, nang si Mig’s ay pumalaot
Makisig at matipuno, sa laba’y ‘di natatakot
Mandirigma s’ya ng Reynang sa pandaraya’y napabantog
Imposibleng ‘di raw alam, ginagawang hokus-pokus

Ang depensa ni Kiko, hindi raw dapat na ipukol
Kay Zubiri ang sisi, sa Reyna na tinutukoy
Pandarayang sinasabi, ng testigong Lintang Bedol
Ay nangyari at naganap, si “FG” daw ang nagsulsol

Kung si Mig’s ay nakinabang, labas na raw po siya dito
Dahil hindi raw niya alam, at hindi rin niya gusto
Ngayong ang pandaraya ay nahayag na’t nabisto
Nais niyang patunayang, siya raw po’y maginoo”

Ang ulos ni Malaya, sana raw po ay noon pa
Nag-resign si Zubiri, kung meron daw na kunsensiya
Ngayong “multo ng dayaan”, si Bedol ang kumumpirma
Saka lang daw n’ya naisip, na dayaa’y totoo nga

Ang ginaya raw po ni Mig’s, katulad ng sa Ombusdman
Sa napipintong pagkatalo, naghanap ng lalabasan
Nang si Gutierrez ay mag-resign, umiwas sa kahihiyan
Si Zubiri ay nag-isip, “graceful exit” na pintuan

Sa sinabi ni Malaya, si Kiko ay natigilan
Habang ito’y nagmumuni, napailing na po lamang
Nang siya ay ngumiti, sabay lahad nitong kamay
Bilang hudyat na debate’y, kanila nang tutuldukan

Sa naganap na diskusyon, si Juan ay nag-epilogue
Senyales na ang debate’y dito muna tinatapos
Nagkasundo ang dalawang sila muna’y matutulog
Sa isyung panghinaharap, sila’y muling maghahamok

Sa panahon ni GMA, marami raw ang garapal
Mga tao’t alipores, tablang mukha’t makakapal
Ang ilan pa sa kanila, ginamit daw na “credential”
Para sila ay ma-promote, sa posisyon na very high

Ang tanong ni Juan, meron pa raw po bang iba?
Opisyal po ng gobyernong, merong delikadesa
Kung si Zubiri’y meron nito, isa siyang halimbawa
Na dapat daw ay tularan, ng opisyal na “timawa

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
August 4, 2011

No comments:

Post a Comment