Tuesday, July 26, 2011

Tabak ni Damocles



Ang Sabi ni Juan:
Tabak ni Damocles

Ang sabi ni Juan, kay PNoy na nag SONA
Hindi raw siya napabilib sa narinig na ibinoka
Kung kanya raw mamarkahan o ga-graduhan siya
Mataas na ang “pasang awa” na kanya pong ililista

Si Juan daw ay mas interested, sa “aso” na natalaga
At magiging “tanod” natin sa tiwaling nagkasala
Dito natin masusubok kung matapang siya’t kakasa
Sa isang dating reyna’t alagad na nagpasasa

Sa ngayon ay nagsisipag, ang umakting na Ombudsman
Sa pagpa-file po ng kaso tila hindi humuhumpay
Para bagang nagpasikat, nang ang boss n’ya’y mag-resign
Kahol dito, kahol doon, ginawa n’yang pag-iingay

Kay Conchita Carpio-Morales, ngayon nakaturo
Dahil sa Ombudsman, s’yang uupo’t mamumuno
Patong-patong na kaso po na matagal ibinuro
Kanya kayang tutulugan rin na tulad ng dating aso?

Isa din daw na mamasdan, ang loyalty nito
Kung siya’y may kikilingan o papaborang mga tao
Mga “utak wangwang” daw na alagad, ni Aquino
Babanggain kaya niya o gagawing parang santo?

Ito’y mga katanungan na ‘di pa raw masasagot
Hangga’t ‘di dumaraan, new Obudsman sa pagsubok
Kung ginto ba o tanso siya, hindi natin matatalos
Ang tangi raw magagawa, abangan na lang ang susunod

Ang payo ni Juan sa bagong Ombudsman natin
Kunsensiya ang konsutahin at batas lang ang pairalin
Ang “tabak ni Damocles” na matagal ding nakabitin
Ibagsak na raw ng tuluyan sa tiwali’t taong sakim


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
July 26, 2011

No comments:

Post a Comment