Monday, August 8, 2011

Mga Makatang Hambog



Ang Sabi ni Juan:
Mga Makatang Hambog

Ang sabi ni Juan, maraming makata
Na enjoy sa kanilang pagsulat ng tula
Ang hindi lang n’ya gusto, meron daw masalita
At sinasabing “basura” ang gawa ng kapwa

Pagsulat daw ng tula, kanya-kanyang estilo
May kung tumirada may tugma ang dulo
May kung sumulat ay tila nagkukuwento
At nagsasalitang parang ordinaryo

May tulang sinukat, maging itong tiyempo
Mayroon ding taludtod, segun sa numero
May tatlo o apat, talatang binuo
O kaya’y pang epiko na ang tinutungo

Ang estilo sa ngayon, moderno’t malaya
Paboritong sulatin ng bagong makata
Kung dito raw gamay, magandang halimbawa
Sa ikasusulong ng sining, na dinadakila

Pero ang punahin daw, ang obra ng iba
Ganoon din ang sustansiyang kalakip ng tula
Sino silang magyayabang para ito maunawa
Gayong ito ay dinukot sa puso ng kumakatha?

Ang sabi ni Juan, kanya-kanyang kaloob
Paglikha ng tula, hindi dapat ipaghambog
Kung sa utak ng ilan meron silang bantayog
Huwag daw mamimilit na sa kanila ay lumuhod

Si Juan daw ay makatang mas pinili sa sulok
At may solong pananaw sa mundo nating bilog
Mga simpleng tao lang ang kanyang kinakatok
Sa simpleng tula niyang sa kanila ay handog

Malayang Isip
Dimasalang, Bulacan
August 8, 2011

No comments:

Post a Comment