Thursday, August 11, 2011

Timbangan



Ang Sabi ni Juan:
Timbangan
Ang sabi ni Juan, ang isang timbangan
Sadya daw ginawa para gawing sukatan
Ang lahat ng bagay, dito natin matitimbang
Kung balanse o hindi, tikwas po o pantay

Sa atin pong bansa, obserbasyon ni Juan
Ay lubha na raw pong mamamaya’y nasasaktan
Sa timbangang sumusukat sa ating pamumuhay
Napakalaki na ang agwat ng mahirap sa mayaman

Ang dahilan daw po nito, ang mga namumuno
At humahawak sa timbangan na nasa ating gobyerno
Ang kanilang panukat, laging pabor sa mga tuso
Negosyanteng parang buwaya at gahaman sa tinutubo

Pansinin daw po ninyo mga kabalat ko
Kapag may petisyon sa ERC ang Meralco
Ganoon din ang NAPOCOR na talagang perhuwisyo
Panay po ang aprub ng mga “tarantado

Ganoong sa panukat ng kalapit nating bansa
Ginagamit na kuryente, lubha pong mas mababa
Ang Pilipinas daw pong “pulubi, nagkakandakuba
Sa pagtaas ng kuryenteng, hindi na po mapababa

Petisyon dito, petisyon doon na kanilang ginagawa
Sa panukat ng ERC, lagi silang umaakma
Hindi ba nila nalalaman, langit na raw at lupa
Ang tikwas ng timbangan sa kanilang ginagawa?

Ang nasa gobyerno, kahit sino pa ang mamuno
Sa kanilang timbangan daw, mahihirap ang natatalo
Kaya nga po sinasabing, sila pa ang “abugado
Ng kumpanya at negosyong, ang produkto ay serbisyo

Ang sabi ni Juan, hindi daw siya magtataka
Kung bakit sa bansa natin, negosyante ay “timawa”
Ang nagtitimbang dito, nguso’y nagmamantika
Habang silang mahihirap, kinakain na ay lupa.

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
August 11, 2011

No comments:

Post a Comment