
Ang Sabi ni Juan:
Umaga sa Takipsilim
Ang sabi ni Juan, kapalara’y parang gulong
Mga bagay at pangyayari, tila sadya’t nakaukol
Ito ay dinisenyo na iisa ang direksiyon
Ang pagbaba at pagtaas ay likha raw ng panahon
May panahon nang pagsilang, panahon nang kamatayan
Panahon nang pagsasaya, panahon nang kalumbayan
May tao rin daw noon, dati’y makapangyarihan
Sa kanyang pagbaba, kaakibat ay kahinaan
Sa panahon ni GMA, “panahon daw ng tulisan”
Na ang ninanakaw pera po ng taong bayan
Panahon nang pandaraya’t kasinungalingan
Panahon nang pagtatakip sa tunay na kalagayan
Ang panahon ngayon, “panahong pagbubulgar”
Panahon nang pag-usig, panahon nang katarungan
Panahon nang paghawi sa lambong na naiwanan
Panahong susukat din kay PNoy na kakayahan
Ang isa sa tanong na panahon ang susuri
Kung tayo ay nagkaroon ng “bogus” na Presidente
Kapag ito ay nalantad, kahit na raw si FPJ
Saan man daw naroroon, matutuwa’t, mangingiti
Pandarayang naganap daw sa 2004 na halalan
Na noo’y nabunyag na pero sadyang pinagtakpan
Ang mga nagtakip dito na ngayo’y nasa ilang
Ito na raw ang panahong usigin sa kasalanan
Ang sabi ni Juan, mananatili raw ang dilim
Hanggat ‘di nasasagot ang noon ay inilihim
Ngayon na raw ang panahong, paglilinis, pag-aagiw
Upang ang umaga sumilay sa takipsilim
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
July 22, 2011
No comments:
Post a Comment