
Ang Sabi Ni Juan:
Mga Buto ng Kalansay
Ang sabi ni Juan, isa raw sa kanyang gusto
Sa gobyerno ni PNoy marami raw nabibisto
Mga “buto ng kalansay” na naiwan ni Arroyo
Isa-isang nahuhukay sa loob ng mga nitso
Sa kanyang panahon daw si GMA ay naglaro
Ng “Game of Generals” habang siya’y namumuno
Nang siya ay manaog, nagsingawan na ang baho
May “pabaon at pasalubong”, sa AFP’y nakatago
Kaalyadong gobernador na si Zaldy Ampatuan
Na nasangkot sa massacre sa bayan ng Maguindanao
Kanya na pong sinariwa, ang pinagsamahan
nila ni GMA, nang mandaya sa halalan
Kaya raw po s’ya umawit, dahil siya’y iniwanan
Ng dating presidente na kanya raw natulungan
Ngayong siya’y nakakulong, nag-iisa sa kangkungan
Mga buto ng kalansay, kanya na ring hinalukay
Hindi man daw dinirekta, kay GMA din nakaturo
Alingasaw sa PCSO na nagdulot po ng baho
Butong “intelligence fund” na pinapak ng namumuno
Ngayon daw ay inuungkat kung sino ang “pasimuno”
Ano pa’t ito raw po, paghahawi na ng daan
Na meron pong mga butong sa libinga’y mabubungkal
Sepulturerong naghahanap ngayon daw ay nakatunghay
Nakatingin sa liwanag sa ilalim ng mga hukay
“Alipores” ni GMA na sa buto ay nagbaon
Sa loob daw nang siyam at mahabang mga taon
Ngayon daw ay mapapansing umiikot na ang tumbong
Kung paano haharapin mga kasong suson-suson
Sa pagharap sa Senado, tila wari nakalimot
Na ang ginagaya ang Heneral po na si Ligot
May nagkakasakit din dahil daw po natatakot
At nag-iinarteng umiiyak, sumisinghot
Ang sabi ni Juan ito raw po’y may bentahe
Sa posisyong nilalaro ni PNoy at ni GMA
Sa “political chess game”, na may sulong at atake
Baka raw sa hinaharap, si GMA ay ma- mate
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
July 14, 2011
No comments:
Post a Comment