
Ang Sabi ni Juan:
PCSO: A Milking Cow?
Ang sabi ni Juan, meron na namang nabulabog
Na sa ngayon ay isyu’t sa senado’y kinakalog
Tanggapan ng PCSO na sa sugal umiinog
“Milking cow” daw ng opisyal, milyones ang tinitimbog
Nagsimula sa SUV na pa-birthday sa Obispo
Na ni-request daw po nito kay Presidente Arroyo
Ang iba pa na nabigyan at pangala’y rumehistro
Pawang member ng Catholic, kay GMA na alyado
Pinupunto po dito, ang pondo ay pam-publiko
Na di dapat ginagamit sa personal na kapritso
Dapat daw po ay parehas at walang sinisino
Walang sekta’t oposisyon, pantay dapat ang pagtrato
Dito rin po ay nabuking, opisyal na namorsiyento
Sumingil daw ng beinte, naging kuwarentang sarado
Sa advertising ng PCSO na daang milyong piso
Nakulekta ni Garcia’t sa account n’ya dineposito
Sumunod din na naungkat at kanilang nabisto
Intelligence Fund daw po, milyon-milyong piso
Ito po ay pondo na laging subject ng abuso
Parang usok na lumabas na bigla pong naglalaho
Sa lumutang na evidence, na atin pong nakikita
Hindi dapat ang Ombusdman, basta na lang tutunganga
Dito’y meron daw pong “plunder” at dapat mag-imbestiga
Dahil milyones na salapi, ang tila po nangawala
Maging ang BIR hindi dapat kumuyakoy
Dahil dito’y may kumita na madaling matutukoy
Isampa raw po ang kaso upang ito ay gumulong
At hayaang mga “tuso” sa korte na magsi-taghoy
Sa ngayon ay dumarami mahihirap na may-sakit
Sa pagpila sa PCSO, mistula raw mga yagit
Namumuno raw po ngayon ang sabi ay masusungit
At ang tulong pang-medikal pahirapan kung masungkit
Sa programang pang-kalusugan, bansa nati’y nahuhuli
Kumpara sa kapit-bansang sistema ay natatangi
Ang pondo ng PCSO na sabi ay pang-charity
Ilaan lang sa mahihirap, may-sakit na nanghihingi
Ang sabi ni Juan dapat daw pong imyendahan
Ang charter ng PCSO, batas nilang sinusundan
Masusi raw pag-aralan, kaluwagan ay higpitan
Upang di na gawing “baka” at gatasan ng gatasan
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
July 8, 2011
No comments:
Post a Comment