Tuesday, May 31, 2011

Balik Tanaw: Sa mga Isyung Nagsingawan



Ang Sabi ni Juan:
Balik Tanaw:
Sa mga Isyung Nagsingawan

Ang sabi ni Juan, muli niyang binalikan
Ang mga kaganapang naging isyu’t tinalakay
Sa maikling panahon daw, maraming natuklasan
Sa ilang sangay ng gobyerno, may sistemang umiiral

May AFP daw tayong “tagapagtanggol ng bansa
Na nagsilbing “gatasan” ng Heneral na masisiba
Pasalubong” at “pabaon” , sa kanila nagsimula
Sistema pong pinairal at sa ati’y bumulaga

May COA daw tayong “mata ng bayan”
Taga-audit ng transaksiyong may katiwalian
Pero may auditor ditong mga mata’y nasisilaw
Sa salaping “ambon”, sa kanila ay pantapal

May OMBUSDMAN daw tayong “tanod ng bayan
Ngunit ang naupo nagtutulog sa pansitan
Kasong patong-patong,” mahabang taong inupuan
Kaya mandarambong, namamasyal daw po lamang

May SANDIGANBAYAN tayong, “isa pong hukuman
Na ang nililitis mga kasong katiwalian
Pero sa “plea bargain”, payag silang malusutan
Kuntento na sa kalahating isosoli ng kawatan

May LTO tayong “taga-rehistro ng sasakyan
Iba’t ibang behikulo sa kanila’y dumaraan
Ngunit merong “carnap” na nagagawang legal
Dahil narerehistro, kahit ito po ay nakaw

May BuCor daw tayong “nagma-manage sa Bilibid
Sa layuning ireporma, kriminal na nakapiit
Pero merong preso na “VIP” po ang treatment
Nakapaglalabas-pasok, sa Bilibid pumupuslit

Ito daw ay ilan lamang sa mga tanggapan
Sa lumipas na buwan naging balita’t nagsingawan
Ito daw ay isang “kanser” na sa ati’y umiiral
Na kapag di nagamot, magdurusa po ay ang bayan

Ang sabad ni Kiko, meron pa raw mga bulok
Sa tanggapan ng gobyerno, nangingitlog daw ng bugok
Kapag naglutangan, saka natin natatalos
Na may sistema po silang, ikinukubli lang sa sulok

Ang wika ni Mandy, ito daw ay nagaganap
Na sa ating lipunan, ‘di po katanggap-tanggap
Pero reyalidad na sa ‘ting bansa ay laganap
Ang ganitong kabulukan, patuloy na nagnanaknak

Ang payo ni Juan kay PNoy na nakaupo
Dapat siyang magseryoso, sa sistemang nabibisto
Ang ganito daw mga isyung nabubuking sa gobyerno
Sa kanya po babalandra’t leadership n’ya ang babaho

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
June 1, 2011

No comments:

Post a Comment