Saturday, June 4, 2011

Kotongero



Ang Sabi ni Juan:
Kotongero

Ang sabi ni Juan, may mga taong ang trabaho
Maayos daw kung manamit at unipormado
Madalas na naglalakbay, sakay ng motorsiklo
Nagmamando ng sasakyang naiipit sa trapiko

Kanila daw hinuhuli’y tsuper na lumalabag
Na kung magpatakbo’y pabala-balagbag
Kapag nag-violate, sinesenyasan daw agad
Na itigil ang sasakyan sa tabing maluwag

Nahuhuling tsuper, may nagmamakaawa
May nangangatwiran ding ‘di raw nila sinasadya
Ito namang nanghuhuli, paniniket ang ibabanta
Kapag ‘di naglagay, lisensiya nila’y mawawala

Kapag may atik nang, palihim na iniabot
Ng driver na tumatawad o nagkukuripot
Kukunin din daw ito na nakasimangot
Saka ibubulsa’t, sasabayan ng talikod

Ang sabi ni Juan, mauuri ding "pulubi"
Ang mga kotongerong, lagay ang hinihingi
Kanilang tungkulin daw isa lamang baluti
Dahil nahahayag sila sa inaasal o ugali

Malayang Isip
Dimasalang, Bulacan
June 4, 2011

No comments:

Post a Comment