Wednesday, April 6, 2011

Dirty Willy



Ang Sabi ni Juan
Dirty Willie

Ang sabi ni Juan, si Willie na naman
Ang sa telebisyon gumawa ng kapalpakan?
Isang sais anyos na pangalan ay Jan-Jan
Pinagsayaw ng “macho dance ” habang tinatawanan

Ito po ay umani ng batikos at puna
Mula sa kritikong, sa show niya’y nakakita
Pansin ng MTRCB, kanila pong tinawag na
DSWD at CHR, kinalampag din po nila

May mga nagsasabi hindi na kawili-wili
Mga ipinagagawa ni Willie Revillame
Sa TV hosting nga, “dirty Willie” ang taguri
Dahil sa kontrobersiya tila daw po nahirati

Komento ng katoto ko, sobra daw po na palalo
Mayabang din daw o hambog ang host na sintunado
Matatanda’t mahihirap, ini-exploit daw po nito
Sa bigay na konting premyo kanyang nirarahuyo

Ang dagdag pa po niya kung ating magugunita
Ang trahedya sa Pasig sa lugar daw ng Ultra
Marami ang nasawi, sa show din po niya
Walumpu po ang bilang, kanyang naaalala

Ngunit ang nangyari tila usok na naparam
Tinangay lang ng hangin nang ito’y madaanan
Ito naman pong si Willie tila walang natutuhan
Na sa buhay na nalagas meron din siyang kasalanan

Komento pa ng katoto, ang host daw ay “recidivist
Kapalpakang ginagawa tila sadyang inuulit
Sa ganitong mga tao, sobra siyang naiinis
Dahil inaasal daw nito, sa buto na nakaukit

Ang payo ni Juan huwag na lang daw tangkilikin
Ang TV program ni Willie kung naririmarim
Sa ating remote control, TV channel ay piliin
“Kapuso” daw o “kapamilya” ay puwede n’yong panoorin

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
April 6, 2011

No comments:

Post a Comment