
Ang Sabi ni Juan:
Senyales?
Ang sabi ni Juan, siya’y naaalerto
Sa nangyayaring kaganapan sa ating mundo
Ang climate natin ngayon, tila nagbabago
Parang ulyaning matanda ‘di alam ang tinutungo
Kapansin-pansin, paglaganap ng kalamidad
Sa iba’t ibang bansa at malalaking siyudad
Sa bansang Haiti, lindol dito ang tumibag
At pinakahuli, naganap sa New Zealand
Kahapon naman, nilindol ang bansang Japan
At ito’y napabalita, sa TV ay nasaksihan
Ang kalunos-lunos nilang kalagayan
Tila isang bangungot na ayaw nating maranasan
Sa kabilang dako, sa bansang may disyerto
Na ang gas at langis, kanilang produkto
Mga mamamayan, dito’y hindi na rin kuntento
Sa kanilang lider, na matagal na namumuno
Nauna na ang Egypt, pinatalsik si Mubarak
Sinundan ito ng Libya pero 'di pa natitiyak
Ang banta ng kaguluhan patuloy ang paglaganap
Parang siga na nag-apoy, at ngayon ay kumakalat
Sa pagtuklas ng talino, mga tao’y patuloy pa
Sa imbensiyong makabago, marami ang namamangha
Tila munting mga Diyos, ang dito ay lumilikha
Ang imposible natin noon, karaniwan ng makikita
Kasabay ng pag-unlad, mga tao’y nananaghoy
Kahirapa’y nadarama, dumaraming nagugutom
Habang sa gobyerno, patuloy ang pandarambong
Epidemya’y labas-pasok, sa sakit na di matukoy
Ang sabi ni Juan tila ito ang “senyales”
Ng kabagabagang, marami ang mapapalis
Sa atin pong mundo, kapag tao’y 'di nag-isip
Tao rin ang magwawasak, tayong lahat ang tatangis
Ang payo ni Juan, taimtim na manalangin
At pawang kabanalan, sa damdami’y pairalin
Ang buhay nating hiram, hindi dapat na sayangin
Sa ating kamatayan, aral ng Diyos ang baunin
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
Marso 12, 2011
No comments:
Post a Comment