Tuesday, February 8, 2011

Awit sa Isang Heneral



Ang Sabi ni Juan:
Awit sa Isang Heneral

Ang sabi ni Juan, siya’y naniniwala
Sa buhay nating ito, may nakatadhana
Panahon ng pagsibol, panahon ng pagkawala
Panahon ng ligaya, panahon ng pagluha

Nang si Joseph Estrada, sa trono’y bumagsak
Dito na si Gloria nagsimulang umangat
Si General Angie Reyes na noo’y Chief of Staff
Agad tinalikuran kumpare niyang Erap

Ang suporta niya, kay GMA ibinigay
Kaya nagpatuloy siya sa pananagumpay
Siya rin ay na-appoint sa maraming tanggapan
Na mahabang panahon niyang hinawakan

Sa pagbaba ni Gloria, siya ay nanaog rin
At hindi na nakatanggap ng anumang tungkulin
Siya ay nanahimik, bilang private citizen
At namuhay na pamilya ang kanyang kapiling

Ngunit hindi nagtagal, buhay niyang mapayapa
Sa plea bargaining ni Garcia, siya ay nabigla
Isang George Rabusa, ang sa Senado’y nagsalita
At siya ay idinawit, na sa milyones nagpasasa

Ito ang tumigatig sa magiting na heneral
Na noong una ay umasta na siya ay lalaban
Mga taong nag-akusa, kanya ngang kinasuhan
Sa layunin po na malinis, ang kanyang pangalan

Ngunit ang panahon, kay General Reyes
Tila bumaliktad ng three hundred sixty degrees
Kung si Presidente Erap, noon ay naipit
Siya naman ngayon, posibleng manganib

Ito ang nagsilbing sa kanya’y bangungot
Na maulit ang kasaysayang, siya naman ang sangkot
Pagbagsak ni Erap na gusto niyang malimot
Multong nagbabalik, sa kanya ay tumakot

Parang mandirigmang sugatan at nanghina
Sa ulos ng kumpare niyang, siya rin ay itinatwa
Ang bantayog niyang itinayo, siya ngayong ginigiba
At kalbaryo ang sa hinaharap kanyang nakikita

Nang siya’y dumalaw sa puntod ng kanyang ina
Tila dito nagsusumbong, na di na niya makakaya
Dito na rin marahill niya binuo ang pagpapasiya
Na kit’lin ang kanyang buhay upang sila’y magsama na

Ang sabi ni Juan, ito daw ay awitin
Na kanyang sinulat para sa inyo’y iparating
Ang katotohanan daw po na hinahanap natin
Sa gitna ng liwanag, may buhay na kukulimlim

Ang payo ni Juan, tapat tayong mamuhay
Hindi lang raw kasi, sa pagkain tayo nabubuhay
Kung hindi sa salitang ang DIYOS ang nagbigay
Mga gintong aral itong ating natutuhan

Malayang Isip
Dimasalang, Bulacan
February 8, 2011

No comments:

Post a Comment