Thursday, February 10, 2011

Senate Investigation



Ang Sabi ni Juan:
Senate Investigation

Panawagan ni Juan, hindi raw dapat mahinto
Ang senate investigation na sa Senado ay kumulo
Kamatayan ng heneral na dito ay pinaupo
Hindi dapat maging excuse, para sila mabalaho

Kaso daw po ng corruption, ang dito ay naging isyu
Na di dapat masapawan ng anumang sentimiyento
Katotohanang malalantad, ninanais ng publiko
Para nga po mahubaran, mandarambong na sundalo

Ang bayan daw itong saksi, sa kapal ng pagmumukha
Ng heneral na may kaso’t ang sala ay itinatwa
Dahil daw po dito hindi na dapat mabahala
Na sila ri’y magsu-suicide kapag nga po napahiya

Testigo po dito, isang dating kampon nila
Kaya mas credible din daw at alam ang anomalya
Kung meron pa itong, mga taong ikakanta
Ay hayaang iparinig, sa madla ay ipakita

Subalit ang kinanta, dapat daw na isa-plaka
At sa korte ay gamiting, matibay na ebidensiya
Ang heneral na idinawit, sa milyon daw nagpasasa
Sampahan din ng kasong nararapat sa kanila

Ang sabi ni Juan, mambabatas sa kapulungan
Imyendahan mga batas na dapat daw remedyuhan
In aid of legislation maganda po ang dahilan
Kung magagawa nila ito at maisasakatuparan

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
February 10, 2011

No comments:

Post a Comment