Thursday, February 3, 2011

Pasalubong, Pabaon at Ambon



Ang Sabi ni Juan:
Pasalubong, Pabaon at Ambon
Ang sabi ni Juan, tila raw nalantad na
Mga kabulukang sa Armed Forces ay nakita
Dating budget officer, sa Senado ay kumanta
Opisyales daw po niya sa pera ay nagpasasa
Dating heneral daw po nitong ating hukbo
Na naging Chief of Staff, kanyang itinuro
Nang ito’y ma-appoint, sa puwesto’y maupo
“Pasalubong” na sampung milyon, ibinigay daw po dito
Sa kanyang termino, limang milyong piso
Ang kada buwan, tinatanggap daw po
At kapag umalis na o kaya’y nagretiro
May “pabaon” pa pong, sampung doble nito
Sa kabilang dako, tuloy po ang paglaban
Ng kasundaluhang sa laranga’y napapatay
Ang karampot na biyayang sa kanila’y inilaan
Itinutumbas nila ay kanilang buhay
Meron pong nagsabi, tradisyon na po yata
Na mga heneral daw po ang nguso ay magmantika
Pasalubong at pabaon hanggang ngayo’y ginagawa
Gumagawa naman nito’y may “ambon” ding biyaya
Ang sabi ni Juan, sa heneral na mangungupit
At sa opisyales na sa kanila’y nagtatakip
Kung meron daw po sanang tatamaan ng lintik
Sila na ang unahin ng galit na langit

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
January 29, 2011

No comments:

Post a Comment