Friday, January 21, 2011


Ang Sabi ni Juan:
Death Penalty

Ang sabi ni Juan siya’y nalilito
Sa ating mambabatas sa kongreso’t senado
Ngayong merong krimeng umaalimpuyo
May ilan pong ang “patay” nais na itayo

Ang patay po ditong kanyang tinutukoy
Ang DEATH PENALTY, noon na kanilang ibinurol
Ngunit nang malibing sa iilang taon
Ngayo’y po’y ninanais na muling iahon

Nang ito’y buhayin ng mga mambabatas
Sagad ang debateng noo’y nagniningas
Kaya ng iluwal inakalang matikas
Pero nang lumaon, nawalan po ng bikas

Sa panahon ni Erap, bahagyang sumibol
Si Leo Echegaray nga, tumikim, ng sampol
Ngunit nang masalin kay Gloria ang baton
Ang death penalty po kanyang ikinahon

Ang mga nagnanais na ito’y ilibing
Ay natupad din po ng ito’y i-repeal
Pero ngayong uso, ang heinous na krimen
Ang sigaw ng iba, death penalty ay buhayin

Ang sabi ni Juan, lulubog daw at lilitaw
Ang parusang ito na noon ay pinaslang
Kapag daw ang presidente nabago’t napalitan
Ang batas na ito’y pinaglalaruan lamang


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
January 20, 2011-01-21

No comments:

Post a Comment