
Ang Sabi ni Juan:
Truth Commission
Ang sabi ni Juan, itong “Truth Commission”
Binuo ni Haring PNoy na okey ang nilalayon
Commission din nga ito na inatasang humabol
Sa dating opisyal na tiwali at nandambong
Ngunit ngayon pa lamang, agad ng nabalaho
Hindi pa umaandar, atas na nga ay ihinto
Ang Korte Suprema na dito’y nagluto
Sabi’y unconstitutional, lumalabag daw po
Equal protection clause, isa sa dahilan
At separation of power, ang inaangilan
Sa botong sampu-lima, ito’y napagtibay
Kaya Truth Commission, tuluyang pinatay
Ang sabi ni Juan, tila nga raw malasado
Power ng Commission, na kanilang binuo
Kulang daw sa pangil, sa tikas o tayo
At siya’y nagdududang malalantad ang totoo
Ang payo ni Juan mas karapat-dapat
Gawain ng Commission kanilang isabatas
Kongreso daw natin, dito ang bumalangkas
Upang magka-ngipin, at maging matikas
Kapag daw isinabatas, tiyaking pulido
Madaling intindihin at hindi kumplikado
Asahang kapag daw, ia-aplay na ito
Hahanapan ng “butas” ng mga abugado
Ang sabi ni Juan, ngayon daw ay naglalamay
Mga tao sa palasyong, sa TC’y nagbigay buhay
Sa kabilang dako nama’y tumatawa’t nagsasayaw
Ang kampo ng dating reynang dito sana’y tatamaan
Mga taong bayan rin daw, nagdidili’t nagsusuri
Sa banggaang executive at ng ating judiciary
Si PNoy daw ay may setro bilang nag-iisang hari
Ngunit hindi nakasuot ng “Coronang” kabahagi
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
No comments:
Post a Comment