Friday, December 3, 2010

Kuliglig ng Maynila



Ang Sabi ni Juan:
Kuliglig ng Maynila
Ang sabi ni Juan, sa mga probinsiya
Kuliglig ang nag-iingay at umeeksena
Ang pagtulog natin ay nagagambala
At nakasasakit din sa ating mga tenga

Ngunit siya ay nagulat, dahil dito sa Maynila
Meron ding kuliglig na nananalasa
Sa mga karsada, sila’y ating makikita
Na humaharurot, pasahero ang dinadala

Sa kanilang pagdami marami ang naperhuwisyo
Sa mga lansangan, nagdudulot ng trapiko
Dagdag sila sa polusyon, maiingay ding totoo
Hindi rin sumusunod, sa batas at reglamento

Nang sila’y mag-rally, hinarangan ang daan
Kaya ang naabala, libo-libong mamamayan
Meron pang nagsabi, na tila pa nagyayabang
Holdaper daw po siya na nagkuliglig na lamang

Meron namang ilan, paslit ang daladala
Sa layuning ang simpatiya ay makuha nila
Kaya ng magmatigas, pulis ay umalma na
At sila’y itinaboy, kaya gulo ay lumala

Ang sabi ni Juan, tayo’y merong gobyerno
Mahihirap o mayaman, nasasaklaw nga po nito
Ang mga lumalabag at ayaw magpakatino
Ay dapat lang ipakulong o ipakalaboso

Sa pagta-trabaho hindi dapat isangkalan
Ang pagiging holdaper na nagbagong-buhay
Ang taong merong dangal, isinasaalang-alang
Ang karapatan ng kapwa n’ya na sinasagasaan

Ang sabi ni Juan, ang kamay na bakal
Ay dapat ding pairalin kung kinakailangan
Lalo’t ang pasaway, ‘di na alam ang katwiran
At ang nais lamang nila’y maghari-harian


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
December 2, 2010

No comments:

Post a Comment