Sunday, November 14, 2010


Ang Sabi ni Juan:
Panalo ni Pacquiao


Ang sabi ni Juan, sa naging panalo
Ni Manny na ating pambansang kamao
Muli ay natampok isang Pilipino
Dahil sa nakamit na walong titulo

Karangalan itong mahirap ng pantayan
Na kanyang itinala sa boksing na kasaysayan
Ang pangalang Pacquiao, di na malilimutan
Lumipas man ang panahon, alamat itong maiiwan

Ang buhay ni Manny, may sinasagisag
Na dapat tularan ng ibang naghahangad
Sa buhay na ito’y puwede ring tumanyag
Kung magiging huwaran at sa kanya ay tutulad

Una ay pananalig sa Diyos na lumikha
At paghubog sa sarili na may pakumbaba
Huwag ding kalimutang magsipag at magtiyaga
Ganoon din ang disiplinang inyong itataya

Problema sa ilan nating boksingero
Nagsisimula pa lang hambog na’t palalo
Kapag naipanalo kahit isang titulo
Wala na ang disiplina kaya natatalo

May boksingero ring may taglay na lakas
Ngunit bobo naman kaya hindi umaangat
Sa pag-e-ensayo, hindi sila nagle-level up
Wala ring kakayahang talento ay maitaas

Ang sabi ni Juan, kung kanilang susundan
Abot kamay lamang, magiging tagumpay
Kung sa lotto’y mailap, numerong tatamaan
Sa suntok at husay nila’y, sigurado rin ang pagyaman


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
November 14, 2010

No comments:

Post a Comment