Saturday, September 25, 2010

Ang Puno ni PNoy (bow)

Sa bakod ni PNoy, siya ay nagtanim
Ng punong ang ngala’y di ko sasabihin
Ang tukayo nito’y tumanyag sa awiting
Namamasyal sa Luneta na ni walang kusing

Siya’y nakilala sa Luneta hostage taking
Kung saan pumalpak, at may sala mandin
Ngayong isyu naman, anak daw ng huweteng
Bida pa rin dito na maituturing

Sa listahan ng pari, siya rin ay kasama
Na tumatanggap daw ng huweteng payola
Ngunit itinatwang di raw siya kumukubra
Ng salaping huweteng, panglagay sa kanya

Ngunit sa senado nang siya’y gisahin
Ng mga senador, at pagtatanungin
Ang puno ni PNoy naging malilimutin
At katawa-tawa sa madlang nakatingin

Kahit tanga’t bopol hindi maniniwala
Sa kanyang katwirang, di kahang-hanga
Huweteng emisaryong ayaw niyang itatwa
Latay sa gobyernong, sagad na sa pula

Ang ganitong puno’y hindi dapat alagaan
Ni PNoy na nagwikang, tuwid ang daraanan
Sa karitong hila niya’y, hindi ito kabawasan
Kaya dapat lang sipain, dahil dala’y kahihiyan

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
September 21, 2010


No comments:

Post a Comment