
Ang Sabi ni Juan:
Kay P-Noy at Puno
Ang sabi ni Juan labis siyang nalungkot
Sa bakuran ni P-Noy na kanyang nilibot
Nakatanim ditong “Puno” nakita n’yang inuuod
Kaya dapat lang daw pulakin at ipaanod
Ang Punong ito raw, sa huweteng nasangkot
At payola daw dito ang kinukurakot
Paratang man itong sa madla’y umabot
Nakabawas ng tiwala, ang isipan ay lumikot
Nang Puno’y tanungin ng mga Senador
Sa halip daw sumagot na ala-Matador
Ito’y natameme at biglang nag-menor
Naging “ulyanin” rin, nagmistulang tukmol
Ang sabi ni Juan, ang ganito raw tao
Baluktot ang ugali’t may itinatago
Kung malinis daw ito at merong prinsipyo
Sa simpleng katanungan, ang sagot ay wasto
Bagahe raw ito na di makakatulong
Sa karitong P-Noy na layunin ay pagsulong
Kapag di raw pinutol, ito ay uusbong
At madaragdagan pa, uod at ulupong
Ngunit tila bingi, “Bosing” sa palasyo
Nagpapaputol ng Puno, kanya pang kinarinyo
Ang boses ng masang pawang negatibo
Hindi pinakinggan, dahil kaibigan si Puno
Ang pagkamanhid daw, salamin sa tao
Sa kawalang loob, damahin ang pulso
Ito’y naranasan na natin sa dating Pangulo
At administrasyon ni Gloria Arroyo
Sa panahon ngayon ni P-Noy Aquino
Ating masusukat kung ito ay nabago
Siya ba ay pangulong, may puso’y sensitibo?
O, ang kalooban niya’y sintigas din ng bato?
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
No comments:
Post a Comment