Thursday, September 23, 2010

Anak ng Huweteng

Ang isyu ng huweteng, ‘di matapos-tapos
Isyung tila madyik na hinokus-pokus
Ito’y parang kantang matagal nang nalaos
At ginagawang blind item ni Archbishop Cruz

Sa panahon ni Erap, huweteng ay natampok
Nang si Chavit Singson, unang tumilaok
Ito rin ang dahil kaya siya’y bumulusok
At kinahantunga’y mangitlog sa sulok

Sa panahon ni Gloria, nakakita ng langit
Ang mga huwetengerong sadyang matitinik
Kanilang binundat, maraming opisyales
Kaya ang ligaya’y muli nilang nakamit

Sa panahong P-Noy na tuwid daw ang landas
Heto’t itong huweteng, muling umaangkas
Ang paring noon ay panay din ang ngakngak
Sinasabi uling, huweteng ay talamak

Ano bang nabago sa kanyang sinabi
Gayong itong huweteng tulad pa rin ng dati
Ang nagpapalit lamang, mga Presidente
Pero sugal na huweteng, ay nananatili

Kung tao ni Gloria, kumukubra noon
Tao naman ni P-Noy ang kolektor ngayon
Mga anak ng huweteng, patuloy na sumisibol
Tila gulong ang pag-andar, umuurong, sumusulong

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
September 15, 2010


No comments:

Post a Comment