
Bulok na Sistema ng Hustisya
Kung pinilantik ko ang pulis at media
Sa hostage taking, na naging trahedya
Hindi ko matiis na ‘di magsalita
Sa isang tanggapang nagbibigay hustisya
Pulis na may kaso, ‘di ko kinakampihan
Ginawa niyang sala’y, hindi makatuwiran
Isang bagay lang ang dito’y, aking pupulaan
Ang naging performance ng ating Ombudsman
Nang-hostage na pulis, hingi ay hustisya
Sa kasong idinulog, na ikinatanggal niya
Nguni’t ang Ombusdman, inupuan lang pala
Kaya si Mendoza’y nagalit, nagwala
Bagamat ‘di tuwirang sila ang sinisi
Pero kung lilimiin, sila rin ay kabahagi
Kaso ang pinag-ugatan, sa mga nangyari
Na ang tanging hingi’y, desisyong madali
Maraming nadamay, maraming nasawi
Kayo ba sa Ombudsman ay nakakangiti?
Gayong alam ninyo, sa inyong sarili
“Hustisyang pinatulog” ang ugat at sanhi
Kung sa agos ng tubig, ihahalintulad
Na may sanga-sangang, daloy na naglandas
Kapag ating tinurol, pinagmulang butas
Sa gripong depektibo pala tumatagas
Sistemang ganito ay sistemang bulok
Na sa aking kalooba’y, nagbibigay lungkot
Ang sobrang kabagalan, nakabuburaot
Sa taong apektado’y may panganib na dulot
Ito nawa'y maging leksiyon sa inyong alagad,
na batas ng tao ang ipinatutupad
Terminong “justice delayed is justice denied”
Ang nagiging resulta ng hustisyang makupad
City of San Jose Del Monte, Bulacan
August 30, 2010
No comments:
Post a Comment