
Media
Sa aking pagtulog sa patpating papag
Na pinaglamayan ng surot magdamag
Ako ay dinalaw ng isang bagabag
Na wari’y bangungot ang isinasaad
Sa dilim ng silid na pinagkakanlungan
Minumuni-muni ko naging balintataw
Mga taong mararangal at pinagkatiwalaan
Pero mandarambong pala sa kaban ng bayan
Ako’y isang kawal na walang sandata
At tanging panitik ang sinasalita
Ang aking tungkuli’y mag-ulat sa masa
Isumbong ang mali’t, ihayag ang tama
Subalit nasasangkot, nag-iwan ng banta
Bibig ko raw ay ipinid, ipikit ang mga mata
Nais nilang igapos kamay kong may pluma
At aking isusulat kanila lamang dikta
Dito ako nagising na pupungas-pungas
Sa gitna ng panganib na di ko hinangad
Pagsulyap ko sa langit, nagluluksang ulap
Tila may pumipigil sa liwanag kong hanap
Kinapa kong muli ang luma kong pluma
At nginig ang kamay kong, magsusulat
Subalit napadiin, nabali ang tasa
Umagos ang itim, malapot na tinta
Kumahol ang aso, umihip ang hangin
Umingit ang pintong, hindi ko napapansin
Anino’y pumasok, pumutok ang baril
Bumaon sa dibdib ko ang punglo ng taksil
Arman T. Francisco
San Jose Del Monte City, Bulacan
No comments:
Post a Comment