Thursday, August 19, 2010



Mga Patabaing Baboy

Sa administrasyong ito ni P-Noy Aquino
Maraming nahayag at nakitang multo
Nang noo’y inampon ng dating pangulo
Kaya pala utang natin, higit pang lumobo

Mga “patabaing baboy” sa ating gobyerno
Ay kabi-kabila pala, sa iba’t ibang puwesto
Mga GOCC, at opisyales nito
Nagpapasasa pala sa laki ng suweldo

Ang kakapal ng mukha, ng mga taong ito
Na tayong sambayanan ang pinaglululuko
Korporasyong hawak nila’y wala namang tinutubo
Pero nagpapakabundat at nagpapaka-mucho

Pobreng mamamayan, hilahod na sa dusa
Na ang pinagtitiisa’y kakarampot na biyaya
Hindi tuloy nila maiwasang umusal ng sumpa
Tamaan ng kidlat, ang mga timawa

Ngayon ay nagbabantay, panitik ko’y nakatanaw
Sa mga pumalit at may tangkang magnakaw
Asahang pipilantik ito, para sila ay saktan
Sa mga kataga kong may pait at anghang

Bakit ako magtitiis na nakahalukipkip
at palalampasin lang, kanilang pambubuwisit?
Kahit ako’y langgam na sa tingin nila’y maliit
Sila’y aking kakagatin, ng napakasakit

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
August 19, 2010

No comments:

Post a Comment