
Ang Sabi ni Juan:
RA 9344: Juvenile Justice and Welfare Act
Ang sabi ni Juan, meron tayong mga batas
Na kung merong butas, lalo pang ginagawak
Isang halimbawa’y ang “Juvenile Justice & Welfare Act”
Na simula nang ipatupad, hanggang ngayo’y pumapalpak
Sa “luma” nating batas, “nuwebe anyos” po pababa
Ang hindi mananagot sa krimen n’ya na nagawa
Ito po ay itinaas, “kinse anyos” na pong bata
Ang kapag nakalabag, walang salang matatala
Dahil dito’y namayagpag ang mga sindikato
at batang kinse anyos, kinukuhang desipulo
Sa krimen na ginagawa, ‘di po sila nahohoyo
Kaya pobreng biniktima, nagkakamot po ng ulo
Ang awtor po nitong batas, si Senator Kiko
Na inuulan ng batikos, sa batas na “balikuko”
Sa halip daw makabuti, ang dulot po ay perhuwisyo
‘Di raw sila masisisi, kung sa kanya’y mag-sentimyento
Depensa ni Pangilinan, hindi raw layon ng batas
na ang batang nagkasala, sa parusa ay iligtas
Kanya ngayong sinisisi, LGU daw ang nasilat
Dahil “intervention program” nito, hindi naman natutupad
Wala rin daw itinayong, hiwalay na detention
Sa mahuhuling mga bata, para dito ay ikulong
Ang pondo ring inilaan, sa pulis na nagte-training
sa juvenile cases daw po, matagal na nabinbin
Komento ni Mandy, ito po ang problema
Sa legislators natin na lagi pong nauuna
Sa ginagawang batas, ang kanila lang nakikita
ay ang ganda ng “pabalat”, at ‘di loob ng inakda
Para bagang ang senador, nang gumawa ng kariton
Hindi na n’ya iniisip kapag ito’y pinagulong
Kabayo po na hihila, wala pa po’t naglimayon
Kaya nang gumulong na, “paurong” po’t “di pasulong”
Ito raw po ang nangyayari, sa batas n’yang isinulong
Kaya naman nagpi-piyesta, mga batang alimuom
“Batang hamog”, “batang jumper” at iba pang “batang hoodlum,”
ang tumubo at nagsupling, sa batas n’ya nagkakanlong
Ang payo ni Juan, batas ngayo’y solusyunan
Amyendahan, suspindihin, gawan agad ng paraan
Problema po’y lumalaki, lumalawak sa lipunan
Na kapag pinalawig pa, “monster” na pong hahantungan
@ Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
September 14, 2011
No comments:
Post a Comment