
... and the "DEAD
Ang Sabi ni Juan:
The Quick and the Dead
Ang sabi ni Juan, siya raw po’y natutuwa
Na sa isang insidente, ‘di nagbunga ng masama
Kongresistang nanapak daw, buhay pa po’t ngumangawa
Dahil kung nagkataon, pamilya n’ya ay tulala
Sa totoo po lamang mga kabalat ko
Kung kayo ay mananakit, o kaya’y magbibiro
Iwasan pong gawin ito sa de-bogang mga sikyo
Dahil peligroso na kayo po ay madedo
Ako po ay may kuwento, na nangyaring totoo
Sa isa pong sikyong naka-detail sa puwesto
Siya po ay minura, tinawag na tarantado
Ng isang opisyal, sa local na gobyerno
‘Di po alam ng opisyal, ang sikyo ay problemado
May sakit daw po ang anak, ‘di pa siya sumusuweldo
Sa kanyang trabaho, tahimik lamang ito
Ngunit ang isipan, lubha nga pong aburido
Dahil may bodyguard, mayabang na opisyal
Ang sikyo’y kanya pang, sa mukha’y sinampal
Sa harap ng mga taong noon at nagdaraan
Hiniya n’ya ang guwardiyang napayuko na lamang
Sa isang kisap mata, shotgun nito’y ikinasa
Sabay putok po sa dibdib ng opisyal na siga
Ang kanyang bodyguard na nagulat, napanganga
Bago po nakakilos, sumunod ding bumulagta
Ang sikyo ay nakulong, sa salang pagpatay
At kasong “homicide” sa kanya’y ipinataw
Nang siya’y tanungin, ang sinabi po lamang
‘Di raw siya nagsisisi, dahil siya ang nabuhay
Ang opisyal pong dinedo may pinag-aralan
Ang kanyang posisyon, makapangyarihan
Sa kamatayan niya, may naiwanan siyang yaman
Pero dahil “tigok” na nga, ‘di na niya matitikman
Ang sikyo na “very quick”, nasa bilangguan
“Libre po sa pagkain” kahit walang hanap-buhay
The arrogant official, and “dead on arrival”
Sa sementeryo nakabaon, “inuuod na ang bangkay”
Ang sabi ni Juan, magsilbi pong paalala
Ang kanyang ikinuwento, sa arogante’t siga-siga
Kung kayo po’y magyayabang, iwasan n’yo ang may boga
Lalo’t takbo nitong utak, ‘di n’yo naman nakikita

Ang payo ni Juan, dapat daw pong “pasalamat”
Si Congressman Pangandaman, sa sikyo na sinapak
Dahil siya ay buhay pa’t ang paa nya’y nakayapak
At hindi nakahigang, ang “ilong ay may bulak”
@ Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
September 8, 2011
No comments:
Post a Comment