
Ang Sabi ni Juan:
Oil Deregulation Law
Ang sabi ni Juan, ang batas daw ay ginagawa
“For the good of the people” ang inaadhika
Nang ang “Oil Deregulation Law”, sa kongreso’y ipunla
Ang layunin daw nito, ang oil price po’y mapababa
“Buwagin ang monopolyo”, isa pa rin sa dahilan
Kaya itong batas, agad nilang sinusugan
Pagpasok po ng “new player” ang inaasahan
Na tatapat sa “three giant, at langis ang kalakal
Ngunit hindi nga po, ganito ang naging bunga
Sa halip na mapababa, ang oil price ay tumaas pa
Ang mga new player, hindi naman kumakasa
At sa awiting “up, up and away” sila rin po’y nakikanta
Ang Shell, Petron at ang Caltex, ang siyang kumukumpas
Sa pagtaas at pagbaba, sumusunod po ang lahat
Apektadong transport sector, strike lagi ang pantapat
Kaya pobreng mamamayan, naiipit, sumisinghap
Sa kuwenta ng oil companies tama daw ang presyo nila
At base po sa “world market,” itinakda na halaga
Reklamo ng kumokontra, “over price” daw po at sobra
Kaya hiling ay i-roll back sa presyo na mas mababa
Ang DOE na “inutil” sa “tug of war” na labanan
Nagmamasid, nagbabantay, pero hindi gumagalaw
Sa katwirang ang langis daw isang uri ng kalakal
Na “deregulate” na po, kaya “tali mga kamay”
Sa lumipas na dekadang ang batas ay umiiral
Nakita po ng malinaw, itong naging kabiguan
Sa halip na makatugon sa hirap ng mamamayan
Ito pa po ang nagsilbing, tila “krus na pinapasan”
Ang tunay na nakinabang, negosyante po ng langis
Na kaya pong “magpa-ikot,” para ito ay kontrolin
Dahil deregulate nga po, ‘di na sila masasaling
Batas mismo na ginawa, “kalasag” nila at “patalim”
Ang sabi ni Juan, ang korte po’t mambabatas
Ang dapat ay umaaksiyon, para ito’y bigyang wakas
Oil Deregulation Law natin, amyendahan o i-repeal
Dahil ito’y isang “monster” na sa tao’y mapaniil
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
August 31, 2011
No comments:
Post a Comment