
Ang Sabi ni Juan:
Abra Kadabra… Maglaho ka!
Ang sabi ni Juan, dapat daw ay noon pa
Si Commissioner Alvarez, sa puwesto ay sinipa
Sa libo-libong container van na bigla raw nawala
Wala po sigurong sa kanya ay matutuwa
Sa katuwiran ni Alvarez na hindi raw niya alam
Si Juan ay napaismid, tumaas lang itong kilay
Lalo na nang sabihin n’yang, siya pa raw ang nagbulgar
At meron na ring mga tao, na kanyang kinasuhan
Ang wika ni Mandy, mahirap daw paniwalaang,
sa nangyaring salamangka, pinuno’y nagising na lang
Bilang Custom Commissioner, siya po dapat ang putukan
Kung siya ma’y naging tanga, wala tayong pakialam
Ang labis pong umintriga, kay Juan na isipan
Ang dami po ng nawala, halos umabot sa two thousand
Kung ito ay isa lamang o sampu na pag binilang
Baka daw po pumuwede pa’t, maaaring kalimutan
Komento ni Kiko, sa Custom daw nagpupugad
Tiwaling opisyales, mga taong mapag-hangad
Daang tuwid daw ni PNoy, kanila lang "ini-snub"
Palusot dito, palusot doon, ang inaatupag
Kapag dito nanungkulan, ‘di raw puwedeng maging santo
O kaya’y ‘di maulingan, humahawak sa kaldero
Sa Custom daw ay naglisaw, “bumubulong na demonyo”
At ang nais ay ihulog, opisyal na tinutukso
Kaya naman sinalamangka, malalaking container van
“Abra Kadabra… maglaho ka!, ang kanilang inuusal
Sa mahika na ginawa, merong taong "nagsabwatan"
Kaya gobyerno ay nalugi, sa tax sanang babayaran
Ang sabi ni Juan, kung si PNoy ay seryoso
Na lumakad ng tuwid, o dire-diretso
‘Di lang dapat sinisipa ang opisyal na lumiko
Dapat din daw ay kasuhan at hayaang mabilanggo
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
August 30, 2011
No comments:
Post a Comment