Sunday, February 20, 2011

Sa Laban ni Donaire



Ang Sabi ni Juan:
Sa Laban ni Donaire

Ang sabi ni Juan, isa pang boksingero
Ang maipagmamalaki nating Pilipino
Bukod po kay Manny, meron tayong Nonito
Sa mundo ng boksing, sumusungkit ng titulo

Mga laban ni Donaire, di gaanong punado
Dahil kay Paquiao raw tayo nakasentro
Ngunit sa pag-akyat n’ya, na unti-unti po
Kanya ring nakuha inaasam na respeto

Si Fernando Montiel, isang Mexicano
Beterano sa record, mahusay na boksingero
Ngunit siya ay nayanig sa lakas ng Pilipino
Sa ikalawang round lamang, siya’y na-TKO

Boksinerong Pinoy likas daw na malalakas
Ngunit ilan lamang, sa kanila ang umangat
Sa pag-eensayo meron daw pong tinatamad
Kulang din sa disiplina, kaya nga raw minamalas

Sa galaw ni Donaire, atin pong makikita
Na hindi lang po lakas, itong kanyang dinadala
Siya daw ay boksingerong, matalino’t mataktika
Na taglay ng mandirigmang, kamao ang sandata

Ang sabi ni Juan, siya raw ay umaasa
Na marami pang Pinoy, sa boksing ay dadakila
May Manny nga at Nonitong, inspirasyo’t halimbawa
Ang kailangan na lamang ay, ibayo pang pagtitiyaga

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
February 20, 2011

No comments:

Post a Comment