Tuesday, August 23, 2011

Sacrificial Lamb



Ang Sabi ni Juan:
 Lehislatura vs. Hudikatura
Ang sabi ni Juan, may nabasa siyang komentaryo
Sa Kabalat Blog ni Arman, na noon ay nagkuro
Ang tanging layunin daw ni GMA sa pagtakbo
sa kongreso’y magka-tari’t, pang laban daw nito

Sa pananaw ni Juan ito raw po ay totoo
Kung baga sa chess board, si GMA ay nagpuwesto
Ng gagamiting kalasag pagkatapos ng termino
Sa political chess game, ayaw niyang padehado

Ang gobyernong PNoy, siya ngayo’y hinahamon
Mga kaso ng plunder, lima na pong suson-suson
Pati na si First Gentleman, na kinatulong niya noon
“Segunda manong helicopter” sa kanya ang pang-kanyon

Bago siya makidigma, si GMA raw ay bumuo
Ng mga magtatanggol at sa laban n’ya ay susubo
Ang dalawa n’yang anak, sa kongreso’y nakaupo
Kasama na si Iging, bayaw niya’t “taga-ako”
Ang dagdag ni Mandy, mga “pawn” di’y inilagay
Na “pambala sa kanyon”, at una ring ihaharang
Sila po’y armado rin ng dilang mapang-ligaw
At “nilubid na buhangin” ang armas na ihahataw

Ang sabad ni Kiko, may casualty nang ikinulong
Isang dating bookkeeper, na humarap sa Blue Ribbon
Ipina-contempt s’ya ng Senate, sa maling impormasyon
At ang laging bukang-bibig, “utos daw po ito ni Cong

Ang sabi ni Juan, marami pang “sacrificial lamb”
Sa kampo ni GMA, na sa giyera’y ilalaban
May salapi s'yang magagamit, at iba pang pang-dahilan
Kasama na po dito ang isyung "pangkalusugan"

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
August 23, 2011

No comments:

Post a Comment