Sunday, May 15, 2011

Done Deal



Ang Sabi ni Juan:
Done Deal

Ang sabi ni Juan kanya na raw inaasahan
Ang desisyong kailan lang, inilabas ng Sandigan
Dito nga po ang plea bargain kanilang pinaboran
Sa kabila ng alingasngas na dito ay nagsingawan

Nang ito po ay dinggin sa Senado’t Kongreso
At si Gutierrez gisahin sa plea bargain na ito
Ang tindig ng Ombudsman ‘di na ito mababago
Sa kabila po ng hiling na kanya daw i-withdraw

Ang kuro ni Juan, bagamat for approval
Ang sinasabing plea bargain sa Sandiganbayan
It’s already a “done deal”, ‘di na maiiwasan
Kaya nga po sa desisyon, kanila itong pinagtibay

Kung baga sa ulam ito po’y naluto na
Habang sa kongreso, mambabatas ay nakanganga
Ang debateng umaapoy at kanilang ibinuga
Wala rin pong saysay dahil kasado na pala

Ang “menung adobo” ng ating Ombusdman
Ang siya ring adobo na niluto ng Sandigan
Kaya ano pa po ba ang dito’y ating aasahan
At kanilang ihahain sa mesang kakainan?

Ngunit ang putaheng sa tao ay inihanda
Hindi po kayang tanggapin ng kanilang sikmura
Kaya si PNoy po napilitang magsalita
At sinabing nasa vacuum Sandiganbayan na nagbaba

Sentimyento po ngayon ng bayang nag-iisip
Ganito ba kadaling mandarambong ay pumuslit
Kahit na po pala milyon-milyon ang kinupit
Papayag na ang korteng kalahati ang ibalik

Ang Second Division ng Sandigang nag-apruba
Target ngayon ng batikos ng mga nadismaya
Ang sabi ni Juan, bahagi daw ito ng sistema
Na totoo nga pong “bulok” umiiral na hustisya

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
May 13, 2011

No comments:

Post a Comment