Monday, March 28, 2011

Taguang Ping



Ang Sabi ni Juan:
Taguang Ping

Ang sabi ni Juan, natapos din ang taguan
Sa paglutang ni Ping, sa airport ng Mactan
Ito’y indikasyong humupa na ang laban
Na kanyang binuno sa taong nagdaan

“Never get caught” ang kanya pong motto
Na nakita po nating tila epektibo
Habang lumalaban, siya po’y nagtatago
At lumantad lamang nang siya’y maabsuwelto

May mga nagsasabing, si Ping daw ay duwag
Harapin ang kaso n’yang sa kanya’y inilatag
Ngunit pinili n’yang huwag munang lumantad
Sa kawalan ng tiwala, sa gobyernong alagad

Ito raw po ba ay tama? Tanong ng katoto.
Sa inyong abang lingkod na nagkokomento
Ang sagot ni Juan, ito’y depende po
Sa isang sitwasyon, o kay Ping na motibo

Si Senator Lacson, kritiko ni Gloria
At naging kaaway po ng kanyang asawa
Sa panahon ni GMA, siya po ang reyna
At maraming alagad, alipores po niya

Dahil naliligid ng mga kaaway
At siya’y nag-iisa sa gitna ng laban
Nang “warrant of arrest” kanyang matunugan
Agad na pong nag-retreat, naghanap ng taguan

Dalawang uri raw po ang sabi ni Juan
Ang taong sa giyera’y nakikipaglaban
Ang una po’y lantad kung makipag-tagisan
Ikalawa’y nakatago, tipong gerilyang nagmamanman

Sa kaso raw ni Ping, mas pinili ang ikalawa
Dahil palagay n’ya di raw pantay ang hustisya
Kung siya’y makukulong, kaaway ay matutuwa
Tagilid rin ang lagay n’ya, kahit siya ay ngumawa

Ipinagkait din daw ni Ping, kasiyahan ni Arroyo
Na siya ay makulong bago matapos ang termino
Isa itong "strategy," kay Juan daw na pagkuro
Ng mandirigmang lumalaban, habang siya’y nakatago

Ang punto ng katotong, nakikipag-argumento
At nagsasabing itong si Ping, sa laban ay tumatakbo
Kung inosente raw siya, harapin daw itong kaso
At lumaban ng lantad, huwag daw maging tuso

Ang tugon ni Juan, hindi siya nakikipagtalo
Sa katotong nakausap, na isa rin pong maginoo
Ito ay opinyon niya, at sariling kuru-kuro
Na hindi masasaklaw, kumokontra po dito

Ang sabi lang ni Juan, ang isa raw kabalyero
Sa pakikipag-hamok, may “bobo’t matalino”
Ang lantad ay nasasawi, naliligtas ang nagtago
Kung alin dito si Ping, kayo na raw ang magkuro


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
March 28, 2011

No comments:

Post a Comment