
Ang Sabi ni Juan:
What if…
Ang sabi ni Juan, gaano tayo kahanda
Sa pagdating nang disaster na sa ati’y nagbabanta?
Ang pagtugon ng gobyerno sa masasalanta
Gaano rin daw kabilis na isasagawa?
Noong tayo’y ma-Ondoy, maraming 'di nakahuma
Sa Marikina’y biglang taas, ang tubig po ay bumaha
Naging sanhi nga po nito, malawak ang napinsala
Sa buhay at pag-aari, marami rin ang nawala
Ang lokal na pamahalaan, hindi raw po kinaya
Pagtugon sa emergency, wala agad na nagawa
Gobyerno natin noon, tumunganga po muna
Sa kawalan din ng plano, ‘di ito nakahanda
Kung sa bagyong dumarating, ‘di po tayo makaporma
What if…lindol ang yumanig at ang lupa ay bumuka?
Ilang libong mamamayan, ang dito ay mapipisa
Sa debris na dadagan po, mga tao ang kawawa
Nangyari sa Japan, dapat daw nating ikamulat
Na ang lindol ay panganib, at lahat ay hinahamak
Hindi lang po mga building ang dito ay ibabagsak
“Tsunami” sa karagatan, sa baybayi’y itutulak
Ang payo ni Juan, sa atin pong gobyerno
Alisin na raw sana, ugaling reaksiyunaryo
Kapag may naganap na, saka lamang umaakto
Isang asal na masama, ng sa ati’y namumuno
Ngayon pa lang ay mag-plano, mga tao’y i-alerto
Turuan ng tamang gawi sa pagdating ng delubyo
Sa ganitong paalala, mamumulat daw ang tao
At pinsala’y ‘di lalaki, kokonti rin ang perhuwisyo
Sa natural calamity, walang puwede na pumigil
At anumang paghahanda, hindi ito masusupil
Ang sabi ni Juan, tayo raw po’y manalangin
At ang awa ng Diyos AMA, taos puso nating hingin
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
March 16, 2011
No comments:
Post a Comment