Monday, December 20, 2010

Aso ng Bayan (Ombudsman)



Ang Sabi ni Juan:
Aso ng Bayan
(Ombusdman)
Ang sabi ni Juan ito daw pong si Arman
Malat na sa pagkahol sa “Aso ng Bayan
Sa Kabalat Blog po niya, kanya ng binanatan
Dahil nagtutulog ito’t di manghabol ng kawatan
Napag-uusapan daw ngayon, isa pa pong kaso
Na kaduda-duda, sa kanyang pagkukuro
Isa pong mandarambong, na Heneral kuno
Ang tila humulagpos sa kuko ng aso
Aso pong “Ombudsman” tinutukoy dito
Na tahimik lamang, noong reyna si Arroyo
Ngayo’y nakukuwestiyon, sa kanilang inakto
Na pakikipag-bargain sa tiwaling sundalo
Ayon sa Sandigan, ebidensiya’y matibay
Laban sa Heneral na nang-umit sa kaban
Tatlong daang milyong piso na napasakamay
Mabigat daw na parusa, sa kanya ay naghihintay
Ngunit hindi nangyari ang inaasahan
Napagaan ang kaso nito dahil sa kasunduan
At pangakong isosoli, bahagi ng ninakaw
Ganoon na lamang ba? Ang tanong ng bayan.
“Isa sa ‘yo, isa sa ‘kin” ganito bang prinsipyo?
Sa hatian ng ninakaw, kapag nag-areglo.
Mababang parusa rin, kapag siya’y nahoyo
Pero ang Heneral po, buhay pa ring milyonaryo
Ang sabi ni Juan, sa tindig ng husgado
Ang madidiskaril daw po, sinasabi ni Aquino
Pangakong wawalisin, magnanakaw sa gobyerno
Hindi po matutupad, maski pustahan po tayo

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
December 21, 2010

No comments:

Post a Comment