Ang Sabi ni Juan:
Lehislatura vs. Hudikatura
Ang sabi ni Juan, naglisaw ang buwaya
Sa gobyernong ang namuno ay pandak na reyna
May inilagay daw ito na “asong taliba”
At ang babantayan, opisyal na masisiba
Pero itong bantay, sumobra ang bait
Hindi kumakahol, panay lang ang idlip
Mga tulisang, milyon kung mangupit
Hindi pinapansin, dahil nakapikit
Nang ang Reyna’y manaog sa kanyang trono
At palitan ito ni Haring Aquino
Ang asong pabaya sa kanyang trabaho
Agad na sinilip ng bagong kongreso
Dahil ang posisyon at kanyang mandato
Ay salig sa batas ng ating gobyerno
Hindi agad masisipa sa upuang bangko
At impeachment lamang pinaka-remedyo
Ang remedyong ito’y sinimulang isulong
Ng mga kongresistang iisa ang layon
Sipain ang asong hindi kumakahol
Mandato rin itong bigay ng Constitution
Pero pumagitna ang Korte Suprema
Sa “have Mercy on me plea” ng asong taliba
Impeachment sa kanya, itigil daw muna
Gayong inatasa’y kapantay lang nila
Sa sitwasyong ito, dapat daw malaman
Kung sino sa dalawa, mas makapangyarihan
Kung pantay lang sila, ano’t nakikialam
At mandato ng kongreso’y pinanghihimasukan
Constitutional crisis, napipintong mangyari
Sa duwelong ikinakasa ng dalawang hari
Ang sabi ni Juan, taong bayan ay magsuri
Sa kung sino ang tama at bibigyan ng sisi
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
No comments:
Post a Comment