


LANGIT at LUPA
Huwag mong ariin, na iyo ang lupa,
At ako ay bawalang, dito ay bumaba
Ako man ay langit, mong tinitingala
Ngunit ang himlayan ko, ay lupang mababa
Ikaw at ako’y, niyari sa alabok,
Isinilang sa mundo, na ni walang saplot
Tayo ay nabuhay, sa iisang pook,
Kung wala ang isa, buhay ay malungkot
Bakit mo sinabing, ako’y isang langit?
Na hindi maabot, ng iyong pangmasid
Sa aking pagpanhik, hindi mo lang batid
Na libong hilahil, ang aking tiniis
Nang ating hatiin, ang iisang landas,
At ako’y humanap, ng daang pataas,
Ikaw at ako’y, nag-iwan ng batas,
Hindi tayo magbabago, sa araw ng bukas
Tayo ay tumaya sa sugal ng buhay
Na naging daan ko, sa pagtatagumpay,
Kabaligtaran kang, sa hukay nabuwal
Hindi ka na nangahas, tumindig man lamang
Bakit naaawa ka, sa iyong sarili
Upang ika’y, magmukha pang api?
Bakit pati akong, handa na magsilbi
Iyong itatatwang, hindi mo kauri?
Nang ika’y mahalin, natatak sa dibdib
Na ikaw ang una’t, huli kong pag-ibig
Ngayong nagbabalik ako, sa ating daigdig,
Ang turing mo sa aki’y, isa na akong langit?
Langit kong tungtungan, agad na guguho
Kung wala ang lupang, dito’y nakasalo,
Katulad ng aking, nagdurugong puso
Hihinto ang pintig, kung hindi ka kasalo
Huwag mong hayaang, ito ay sumapit
Ating paglapitin, ang lupa at langit
Ikaw ay gumising, sa pagkakahimbing
At ating harapin, bubuuing daigdig
Kung alinlangan ka’y, titigan mo ako,
Basahin sa mata, itinitibok ng puso ko,
Handang paalipin, sa iyong pagsuyo,
Ako’y langit na hahalik, sa lupa mo.
Arman T. Francisco
San Jose Del Monte City. Bulacan
No comments:
Post a Comment