Part 2: The Defiance
Ang sabi ni Juan, hindi raw po nagkabula
Ang kanyang sinabi sa naunang kabanata
Korte Suprema po natin, TRO ay ibinaba
Si Aling Gloria po, pinayagang mangibang bansa
Sa desisyon ito, si GMA ay tuwang-tuwa
Agad-agad na nagbalot, sa pag-alis ay humanda
Sa layuning maka-iwas sa check-mate na nakaamba
At makahingi ng asylum, sa pupuntahang bansa
Ngunit naunsiyami, una niyang pagtatangka
Hindi siya nakalabas, sa St. Luke muna naglungga
Ang “watch list order” po kasi ni Secretary De Lima
Patuloy na epektibo, kahit TRO ay meron na
Dahil nga po dito marami ang namangha
Ang DOJ Secretary, Supreme Court ang binangga
Sa tapang at tatag niya, marami rin ang humanga
Sa ‘di n’ya pagsunod, sa TRO na ibinaba
Mga legal luminaries, may kanya-kanyang opinion
At si Aling Laila po, naging subject sa diskusyon
Bilang abugada at sa batas ay may leksiyon
Alam daw po nito, ang magiging sitwasyon
Supreme Court ang interpreter sa batas na inihain
Desisyon ng majority ang may timbang para sundin
Sa pagsuway ni De Lima , mga tao’y nag-isip din
Moog ditong nag-umpugan, “PNoy Rook” po’t “Tower ng Queen”
Komento ng iba, contempt daw po ang katapat
Na posibleng maipataw sa sekretaryang sumalungat
May senadora rin pong, ibig na raw na mag-suicide
At nagsabing tila siya’y wala na sa reyalidad
Ang pawn po ni PNoy na si Laila De Lima
Nanatiling nakaharang, patuloy po sa pag-kontra
Dahil dito’y sa ospital si GMA, namahinga
Pinalipas ang araw na mga doctor ang kasama
Habang sila’y nag-iisip, sa sulong na ititira
Ang Solgen ni PNoy, MR po ay ikinasa
Sa layuning mapigil po, pagpuga ng dating reyna’t
Maiwasang ang chess game po, mabitin o magtabla
Ang sabi ni Juan, Supreme Court po ay nagtakda
Na MR po’y talakayin, na sa TRO ay sisira
Mga tao’y mag-aabang sa susunod na kabanata
At part three po nitong sagang, sa blog ni Juan itatala
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
No comments:
Post a Comment