Friday, March 25, 2011

Kolektor ng Bayan



Ang Sabi ni Juan:
Kolektor ng Bayan

Ang sabi ni Juan, sa bawat sangay ng gobyerno
May nakatokang opisyales, na dito ay namumuno
May role din po silang, dapat ay ginagawa po
Base sa tungkulin na, kanilang inaako

Ang COA po natin ang “Mata ng bayan”
Taga-audit ng transaksiyon, kung may katiwalian
Ang “Aso ng bayan” ito naman ang Ombusdman
Na dapat umusig sa opisyal na kawatan

Meron din po tayong, “Kolektor ng Bayan”
BIR na taga-likom, sa buwis ng pamahalaan
Trabaho po nila’y importanteng tunay
Upang ang gobyerno, patuloy na mabuhay

May target po silang lilikuming halaga
Na kung minsa’y naaabot, o kaya ay sobra pa
Pero may sandaling ito rin po’y bumababa
Dahil kinukulang, kanilang nakolekta

Nang si Kim Henares, sa BIR ay maupo
Tila astig daw ang dating, at seryosong mamuno
Agad napabalitang may negosyanteng tuso
Na kanila raw kakasuhan at hindi sila nagbibiro

Isa na daw si Juan sa mga natuwa
Dahil malalantad na ang mga timawa
Ang mga negosyanteng, sa tubo’y nagpasasa
Masisingil na rin, ang mga buwis na sinuba

Kasama na dito, tinutugis na rin nila
Mga kinasuhang heneral na nagsamantala
Daang milyon na dinambong, sa kabang bayan na pera
Na nararapat maisoli kahit bahagi sa natira

Ang payo ni Juan, linisin din daw ang bakod
Ang bahay ay pagpagin, tirisin ang mga “uod”
Sa BIR daw kasi, may tao ring nasasangkot
Kaya target nilang buwis, kung minsan ay kinakapos

Alamin din daw natin, kung may mapo-prosecute
Sa taong kinasuha’t sa buwis ay nagdamot
Baka raw sa press release, magaling lang na manakot
Pero sa bandang huli, BIR din ang lalambot

Ang sabi ni Juan, ituloy ang “paninilip”
Upang makakita ng marami pang suwitik
Si Juan daw ay sasaludo kay Mrs. Henares
Kung may tapang nga siyang, tax evader ay mawalis


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
March 25 , 2011

No comments:

Post a Comment