Tuesday, March 22, 2011

Pulitika at Relihiyon



Ang Sabi ni Juan:
Pulitika at Relihiyon

Ang sabi ni Juan, sa mundo ng pulitika
Marami raw itong anyo, na atin pong makikita
Gumagalaw dito, hindi lamang isang mukha
Nakasuot ng maskara, nagpapalit, nag-iiba

Sa isyung impeachment, ang mga kongresista
Tila artistang gumaganap sa isang sarsuwela
Sa gobyerno ni Gloria, sila noon ang nagbida
Sa panahon po ni P-Noy, ang role nila’y kontrabida

Ang bayan po ay nanood sa kanilang drama
Impeach Mercy” ang titulo na ginanap sa kamara
Sa debate at botohan ng atin pong kongresista
Itong si Juan ay nakinig, sa isyu’y nag-analisa

Opposition representative, tumindig po sa debate
Si Syjuco’y namersonal, si Tupas ang inatake
Si Lagman ay pumosisyon, tila manok na gumire
Hinimay ang mga puntong sa impeachment nakabase

Si Farinas ang sumalag na animo kabalyero
Parang teksas tumilaok, na hindi po patatalo
Mga hataw po ni Lagman, na paroo’t parito
Sa botohan din nauwi nang siya ay huminto

Dos siyentos dose po ang nakuhang boto
Na ma-impeach si Gutierrez, sa posisyon nito
Kuwarenta’y sais naman, nagsabing sila ay “no
At apat din ang nag-abstain, o hindi po bumoto

Si Congresswoman GMA, natural lang na kumontra
Kasama ang “alipores” na loyal pa rin sa kanya
Ang subject ng impeachment, dating “alaga” po niya
At ka-klase ng ginoong, asawa ng dating reyna

Sa two hundred twelve raw po, tiyak na may bumaliktad
Sa tawag ng “pork barrel” na kanilang hinahangad
Ang ilan ay nakiisa sa botong “yes” nakitulad
Sa takot na ang pangalan, “bumaho” po pag nalantad

Ang boto ng iba, “konsensiya” raw ang nagdikta
Na si Gutirrez nga po, totoong nagpabaya
Sa tungkuling sinumpaan, si Mercy ay tumunganga
Kaya dapat na ma-impeach at sa puwesto ay masipa

May “relihiyon” din po dito na sabi ay nakialam
Kongresista na boboto, kanila raw inimpluwensiyahan
Isang “tsismis” na ‘di alam kung sino ang nagpalutang
Kung totoo o hindi man, wala raw pong alam si Juan

Ang sabi ni Mang Juan, ang relihiyon at pulitika
Ay dalawang mundo na di dapat magkasama
Sa relihiyon, kabanalan at pag-ibig ang adhika
Sa arenang pulitika, pugad daw ng balahura

Kung “kaanib po ng sekta”, ang dito ay “nakisawsaw
Ang pangalan ng relihiyon, hindi dapat idinamay
Ang opinyong pansarili, ay dapat na ihiwalay
Lalo na at pulitika ang kanilang hinihimay

Ang sabi ni Juan kanyang, naging panuntunan
‘Di tumalakay ng relihiyon, o ito kaya’y pag-usapan
Sa isyu pong political, ang involved po ay ang bayan
Sa relihiyon ay ang Diyos, at ang ating kaligtasan


Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
March 22, 2011

No comments:

Post a Comment