
Debate nina Kiko at Malaya:
PNoy Leadership
Ang sabi ni Juan, wala siyang kakampihan
Sa magdedebateng kapwa niya “kabarilan”
Siya ay papagitna’t makikinig lamang
At bahalang humatol mga taong bayan
Sa ratsada ni Malaya, nawala ang kanyang bilib
Sa ating Presidente, na mahilig mag-adlib
Kanyang obserbasyon, madalas nitong bukang-bibig
Isa lamang “lip service” at tipong pampa-astig
Iba raw ang sinasabi sa kanyang ginagawa
At magaling lamang kapag ngumangawa
Ang asal daw na ito hindi kaaya-aya
Na kanyang nakita na, sa gobyernong mga luma
Ang hirit ni Kiko sa panig ni Pinoy
‘Di raw dapat na agad si Malaya ay humatol
Ang gobyerno nating ito, mag-iisa pa lang taon
Huwag daw madaliin, bigyan ng pagkakataon
Sinasabi ni PNoy, tinutupad daw po nito
Katulad ng “wangwang” na ‘di nito inabuso
Paghabol sa corrupt ng kanyang gobyerno
Hinahawi na ang landas na patungo dito
Ang banat ni Malaya wala pang tunay na pinutol
Ang "palakol" ni PNoy na bigla raw "pumurol"
Ang angas daw nitong merong ulo na gugulong
Tila si Frisco Nilo pa lang pinatikim ng sampol
Nang si Diokno ay mag-resign, hindi niya pinalakol
Kaya ‘di raw ito counted, na ulo ay pinagulong
Katunaya’y inalo pa ni Pangulong Noynoy
At possible pa raw matalaga sa ibang posisyon
Ang salag ni Kiko si PNoy ay hindi corrupt
Sensitibo sa tungkuli’t inaako na ang lahat
Ang ganito daw Presidente ang karapat-dapat
Na gumiya sa gobyernong matuwid ang tinatahak
Hindi raw masama magkaroon ng mga “buddy”
Na “ka-klase”, “kaibigan” at “kabarilan”, ng Presidente
Si PNoy daw ay tao ring ordinaryo ang ugali
Kaya ‘di dapat personalin at sa kanya ay mamuhi
Ang ulos ni Malaya, si PNoy ay may ugali
Na tanda ng kahinaa’t, "leadership" ay mauuri
Kaibigan daw nito’t pumapalpak na mga buddy
‘Di n’ya kayang mapatalsik sa halip ay pinupuri
Hindi siya magtataka kung kay PNoy na gabinete
Magkaroon ng disgusto, umiral daw ang rivalry
Resignation ni De Jesus sa ating DOTC
Ganito po ang scenario, sinisilip ng marami
Sa tinuran ni Malaya si Kiko ay natigilan
Habang ito’y nagmumuni, napailing na po lamang
Nang siya ay ngumiti sabay lahad nitong kamay
Bilang tandang ang debate kanya munang tutuldukan
Pagkatapos ng argumento, si Juan ay nag- epilogue
Senyales na ang diskusyon dito muna tinatapos
Nagkasundo ang dalawang sila muna’y matutulog
Aabangan daw ang SONA, saka na raw babatikos
Ang sabi ni Juan dapat tayong makialam
Sa isyu na nababasa’t napag-uusapan
Tayong lahat ay bahagi ng lipunang umiiral
At ‘di angkop na tumanga’t parang batang walang malay
Mlayang Isip
Dimasalang, Bulacan
June 22, 2011
No comments:
Post a Comment